30% WORKING CAPACITY SA MANILA CITY HALL

SIMULA nitong Lunes, Marso 15, ang pagpapatupad ng 30% working capacity sa mga tanggapan sa Manila City Hall, o ang pagbabawas ng mga empleyadong papasok sa kani-kanilang opisina, bilang bahagi ng pagsusumikap ng lokal na pamahalaan na matuldukan ang patuloy na pagdami ng naitatalang bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lungsod.

Alinsunod ito sa kautusan ni Manila Mayor Isko Moreno na dapat ay 30% lamang ng mga empleyado ng lahat ng city government departments, bureaus at offices ang papayagang pisikal na pumasok sa kanilang trabaho.

Nauna rito, nagpatawag ang alkalde ng pulong hinggil sa ipatutupad na emergency 30% working capacity sa Manila City government offices nitong Lunes.

Pagkatapos ng pulong ay kaagad nang inanunsiyo ni Moreno ang pagpapairal ng 30% working capacity sa city hall.

Nabatid na hindi sakop ng kautusan ang mga tanggapan ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office, Department of Public Services, Department of Public Service, Manila Traffic and Parking Bureau, Manila Health Department, Manila Department of Social Welfare at lahat ng district hospitals.

Kaugnay nito, inatasan ng alkalde si Manila Police District (MPD) Director P/BGen Leo “Paco” Francisco na lahat ng ‘leave’ sa mga tauhan nito, maliban kung medical leaves, ay ideklarang kanselado.

Itinalaga ang MPD SWAT team bilang tagapagmantine ng kapayapaan at kaayusan sa lungsod. (RENE CRISOSTOMO)

284

Related posts

Leave a Comment