6 PANG BRGY. DAGDAG SA MANILA LOCKDOWN

NAKATAKDANG i-lockdown ang anim pang barangay sa Lungsod ng Maynila matapos maiulat ang pagdami ng mga kaso ng COVID-19.

Ayon sa report ng lokal na pamahalaan, base sa executive order na inilabas ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, kabilang sa itinakdang isailalim sa lockdown ang Brgy. 185, Zone 16 sa Distrito 2 ng Tondo; Brgy. 374, Zone 38 sa Sta. Cruz; Brgy. 521, Zone 52 sa Sampaloc; Brgy. 628, Zone 63 sa Sta. Mesa; Brgy. 675, Zone 74 at Brgy. 847, Zone 92 sa Pandacan.

Apat na araw ang itinakdang lockdown sa nabanggit na mga lugar na magsisimula sa Miyerkoles, Marso 17, dakong alas-12:01 ng madaling araw hanggang alas-11:59 ng hatinggabi sa Sabado, Marso 20.

Layunin ng nasabing hakbang ng alkalde na maproteksyonan ang kalusugan ng mga Manilenyo dahil sa dumaraming nagkakasakit sa lugar.

Nauna nang ini-lockdown kamakailan ang tatlong barangay sa lungsod makaraang maiulat ang pagtaas ng kaso ng mga nahawa sa virus.

Ayon pa kay Moreno, maaaring madagdagan pa ang mga lugar na ila-lockdown kung hindi mag-iingat ang mga residente.

Aniya, kahit nasa loob ng kani-kanilang tirahan ay may posibilidad na magkaroon ng hawaan sa nasabing sakit. (RENE CRISOSTOMO)

186

Related posts

Leave a Comment