32 BAYAN SA QUEZON ALERT LEVEL 2 PA RIN

LUCENA CITY – Dalawang siyudad at pitong bayan lang sa lalawigan ng Quezon ang isinailalim sa Alert Level 1 mula sa April 1 hanggang 15 sa patuloy na COVID-19 pandemic, dahil sa namamayani pa rin ng takot sa bakuna ng mamamayan.

Ayon kay Governor Danilo Suarez, tinatayang nasa 61 hanggang 66 porsyento lang ang fully vaccinated sa populasyon ng 32 bayan na patuloy na nasa ilalim ng Alert Level 2 hanggang sa April 15.

Batay aniya sa mga nakalap na impormasyon, marami sa mga tumanggap ng unang turok ng bakuna ang hindi na bumalik para sa kanilang pangalawang turok.

“Baka dahil sa takot. Siguro, may naramdamang masamang side effects sa unang turok ng bakuna,” ani Suarez.

Noong Biyernes, nagpulong ang mga kinatawan ng lokal at pamahalaang nasyunal sa isang hotel sa siyudad at binalangkas ang mga susunod na hakbang para sa mas pagpapalawak pa ng pagbabakuna sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

Sinabi ni Suarez, hihiling siya sa Department of Health ang Johnson & Johnson (J&J) COVID-19 vaccine na isang turok lang ang kailangan upang malutas ang problema sa takot sa pangalawang turok ng bakuna.

Nanawagan si Suarez sa mga residente na wala pang COVID-19 vaccines, na agad magpaturok ng bakuna para sa kanilang kaligtasan at proteksyon din ng buong komunidad.

Noong Marso 31, ipinahayag ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang patuloy na paglalagay sa Lucena City, ang kapitolyo ng lalawigan, sa ilalim ng Alert Level 1 hanggang April 15.

Bukod sa Lucena City, inilagay na rin ng IATF ang Tayabas City at mga bayan ng Lucban, Mauban, Pagbilao, Plaridel, Polillo, Quezon at Sampaloc sa ilalim ng Alert Level 1.

Batay sa IATF guidelines, ang ano mang probinsya, siyudad o munisipalidad ay pwedeng mapasailalim sa Alert Level 1 kung ang 70 percent ng kanilang populasyon ay fully vaccinated o may dalawang turok ng bakuna o isang turok ng J&J vaccine.

Sa buong buwan ng Marso, ang lalawigan ng Quezon ay nakapagtala lang ng 88 COVID-19 cases kumpara noong Pebrero na nakapagtala ng 342, at 696 naman noong Enero.

Noong Biyernes, pito na lang ang active COVID-19 cases sa buong lalawigan. Noong Enero 23 ng kasalukuyang taon, ang nakalistang active cases ay umabot sa 1,805 batay sa record ng Integrated Provincial Health Office.

Sa 41 munisipalidad sa lalawigan, 37 sa mga ito ang mga wala nang pasyente ng COVID-19.

Ang apat na lokalidad na nananatiling may active COVID-19 cases ay ang bayan ng Candelaria, 3; Lucena City, 2, at tig-isa sa Tayabas City at bayan ng Infanta. (NILOU DEL CARMEN)

532

Related posts

Leave a Comment