32 POSISYON SA KAMARA TARGET NG PARTY-LIST GROUP

congress12

(NI BERNARD TAGUINOD)

INIHIHIRIT ng party-list group sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na manatili sa kanila ang 32 posisyon na hawak nila ngayong 17th Congress sa sinumang uupong Speaker sa 18th Congress.

Ito ang nabatid kay Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin Jr., matapos ang pulong ng  kanilang grupo nitong Martes, sa Kamara upang desisyunan kung sino ang kanilang susuportahang Speaker.

“As of now (17th Congress) 32 positions sa House (ang hawak) ng Party-list members,” ani Garbin bagay na gusto nilang manatili sa kanila sa susunod na kongreso sinuman ang uupong Speaker.

Kabilang sa mga posisyon ng hawak ng mga party-list Congressmen ay ang House committee on suffrage and electoral reform, committee on cooperatives, committee on women and gender equality, committee on government reogranization, micro, medium and small enterprises development committee, committee on overseas workers affairs, committee on poverty alleviation at iba pa.

Kasama rin sa posisyon na ibinigay sa mga party-list congressmen ay ng dalawang upuan sa makapangyarihang Commission on Appointment (CA) at dalawa rin sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET).

Marami ring posisyon bilang deputy majority leader at isang House deputy speaker ang hawak na posisyon ng party-list congressmen bukod sa deputy minority leadership position.

“Gusto namin, amin pa rin ang mga posisyon na hawak na mga party-list Congressmen ngayon,” ayon pa kay Garbin.

Sa susunod na Kongreso, 61 ang party-list congressmen mula sa 51 party-list organizations na nanalo noong nakaraang eleksyon o katumbas ng 20% sa kabuuang bilang ng mga miyembro ng Kapulungan.

Gayunpaman, 54 lamang ang kasama sa grupo ni Garbin dahil ang mga Makabayan bloc kasama na ang Magdalo party-list ay hindi pa sumasama sa mga ito.

163

Related posts

Leave a Comment