39 PA NALAMBAT SA CAVITE

CAVITE – Dinakip ng Cavite police ang isang umano’y miyembro ng Alberto Fernando drug group at 39 iba pa sa ikinasang buy-bust operation sa magkakahiwalay na lugar sa Maragondon, Cavite.

Kinilala ang arestadong na si Rjhan Asuncion, binata, 26-anyos. ng nasabing lugar.

Ayon sa ulat ni Pat. Rolando Periodico Jr., ng Maragondon Municipal Police Station, dakong alas-2:40 ng hapon nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Maragondon MPS sa Brgy. Bucal 2 sa Maragondon, Cavite na nagresulta sa pagkakaaresto kay Asuncion at nakumpiskahan ng dalawang sachet ng umano’y shabu at buy-bust money.

Ikinanta ni Asuncion na si Alberto Fernando na umano’y kanilang lider, ang nagsusuplay ng droga sa bayan ng Maragondon at kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad.

Samantala, 39 pang umano’y drug pushers ang dinampot sa ikinasang magdamagang buy-bust operation sa magkakahiwalay na lugar sa limang lungsod at pitong bayan ng Cavite.

Sa Bacoor City ay 11 ang nadakip, anim sa Silang, tig-tatlo sa Gen. Trias City, Maragondon, General Mariano Alvarez (GMA) at Imus City; tig-dalawa sa Tanza, Magallanes, Tagaytay City at Cavite City, habang tig-isa sa Noveleta, Amadeo at Kawit. (SIGFRED ADUARA)

125

Related posts

Leave a Comment