BADYETAN NA ANG BAKUNA SA COVID-19

ANUMANG araw ay isusumite na ng Department of Budget and ­Management (DBM) sa Kamara ang kanilang 2021 proposed budget na ayon sa mga impormasyon mahigit P3.4 Trillion ang halaga.

Ang halagang ito ay inilutang bago pa magkaroon ng covid-19 kaya baka madagdagan pa ito dahil kailangan ng karagdagang pondo dahil sa pandemyang nararanasan natin ngayon.

Dapat kasama sa budget ang pondo na pambili ng bakuna para sa lahat ng mga Filipino dahil base sa mga report ay malapit ng magkaroon ng gamot sa pesteng virus na ito.

Hindi biro ang gagastusin para sa pambili ng bakuna pero wala tayong magagawa dahil ito lang ang paraan upang makabalik na tayo sa normal na pamumuhay dahil hirap na hirap na ang lahat lalo na ang mga kariwang tao.

Tiyak na idadaan sa Department of Health (DOH) ang pondong ito dahil lahat ng may pondo na may kaugnayan sa kalusugan ay sa departamentong ito idinadaan at ipinagkakatiwala.

Kailangan ang super bantay sa DOH sa pondong ipagkakatiwala sa kanila sa susunod na taon dahil hindi rin malinis ang ahensyang ito sa katiwalian. Maraming natutukso kapag pera na ang pinag-uusapan.

Kasama rin sa inaasahan ko na popondohan ng husto ay ang pagkuha ng DOH ng karagdagang personnel dahil nabuko na talagang underman sila nang manalasa ang covid-19.

Kulang-kulang ang personnel ng DOH kaya kinailangan nilang kumuha ng mga medical personnel na tutulong sa paglaban sa covid-19 na patuloy na nananalasa sa ating bansa.

Pero kapag nagkaroon ng karagdagang pondo para sa personnel ng DOH ay seryosohin na ang pagkuha ng mga tao dahil sa ngayon ay 13,000 ang plantilla sa ahensyang ito ang hindi nilalagyan ng tao.

May pondo na para sa mga posisyong ito pero nagtataka ako bakit hindi ginagamit ng DOH kaya nang magkaroon ng pandemya ay nagkumahog sila sa pagkuha ng karagdagang personnel.

Hindi ko alam kung sinasadya na huwag lagyan ng mga tao ang mga plantilla na ito gayung may pondong nakalaan na dito. Ano ang ginagawa nila sa pondong hindi nagamit?

Naging istilo na ng mga ahensya sa gobyerno na hindi lagyan ng mga tao ang plantilla sa kaniyang tanggapan at kapag natanong sila kung bakit ang bagal nilang kumilos, ang sagot nila: kulang kami ng tao.

Talagang kukulangin kayo ng mga tao dahil hindi niyo nilalagyan ng mga tao ang plantilla position sa tanggapan nyo at ang magdudusa sa huli ay ang mga mamamayan na pinanggalingan ng pondong ayaw niyong gamitin.

Parang naniniwala talaga ako sa mga tsismis na sinasadya ng mga ahensya sa gobyerno na huwag lagyan ng mga tao ang mga plantilla position para magkaroon sila ng savings na paghati-hatian

nila pagdating ng pasko sa pamamagitan ng mga karagdagang incentives.

Walang umaamin sa ganitong alegasyon pero magtataka ka bakit masyado nilang iniipit ang pondo gayung inilaan ito para serbisyuhan ang mamamayang nagbabayad man ng buwis o hindi.

 

DPA Ni BERNARD TAGUINOD
408

Related posts

Leave a Comment