3K DOSES NG SPUTNIK V IBINAHAGI SA MAYNILA

TINANGGAP ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang 3,000 doses ng Sputnik V, bakunang gawa ng Gamaleya mula sa Russia para sa A1 category na kinabibilangan ng doctors, nurses at iba pang health frontliners na hindi pa nabakunahan.

Ang pagtanggap sa bagong doses ng bakuna kontra COVID-19 ay pinangunahan nina Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Vice Mayor Honey Lacuna.

Ayon sa alkalde, agad ipamamahagi ang bakuna sa sandaling magbigay ng go signal ang Department of Health (DOH).

Nagpasalamat din ang alkalde kina Pangulong Rodrigo Duterte, DOH Sec. Francisco Duque III at National Task Force Against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez, Jr. sa ibinigay na alokasyon sa Maynila.

Dumalo rin sa aktibidad sina Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan at Sta. Ana Hospital Director Dr. Grace Padilla. Pagkaraan ay agad inilipat ang vaccines sa storage facility ng ospital.

Ayon kay Moreno, may mga frontliner sa A1 category ang hindi pa nababakunahan dahil hinihintay ang gusto nilang brand. (RENE CRISOSTOMO)

 

298

Related posts

Leave a Comment