(NI ABBY MENDOZA)
BILANG solusyon sa nararanasang masikip na daloy ng trapiko sa Metro Manila, iminumungkahi ni House Minority Leader Benny Abante sa Malacanang na pag-aralan ang inirerekomenda ng Civil Service Commission na 4-day work week sa mga empletado na nasa non-frontline offices sa national government agencies.
Ayon kay Abante, dapat din pag-aralan ang work from home para sa mga empleyado lalo na sa mga may access sa steady internet.
Una nang inirekomenda ng CSC ang 4-day work week subalit optional lamang ito, nais ni Abante na iutos na ito ng Malacanang at maaari na ipatupad ngayong holiday season.
“Pwede na natin gawin na trial period itong holiday season,” pahayag ni Abante.
Para pa rin maibsan ang trapiko ay isinusulong ni Marikina Rep. Bayani Fernando na gawing Mabuhay Lane ang lahat ng kalsada, sa ganitong paraan umano ay lilinisin ang lahat ng kalye sa anumang obstruction tulad ng mga vendors at mga nakaparada na sasakyan.
Sinabi ni Fernando na 5,800 kms ang kalsada sa Metro Manila subalit nasa 20% lang ang nagagamit.
Suhestiyon pa ni Fernando, dating MMDA chair, gawing prayoridad ang mga pampasaherong bus, aniya, kung mas mabilis ang byahe ng mga bus ay mas maraming car owners ang mas nanaisin na iwanan na ng ang kanilang sasakyan dahil mas kumportable na bumiyahe sa mga pampasaherong bus.
Isinusulong naman ni Iloilo Rep Janet Garin na mas tutukan at pagandahin ang byahe sa Pasig River na makatutulong para mabawasan ang mga bumibyahe sa mga kalsada.
Sinabi ni Garin na disiplina pa rin ng publiko ang numero uno na dapat ipatupad para makabawas sa sikip ng daloy ng trapiko.
168