APAT na drug personalities ang nakaselda ngayon matapos na masakote sa ikinasang anti-narcotics operation ng mga tauhan ng PNP-Police Regional Office 5 sa lalawigan ng Camarines Sur. Ayon sa ulat na ibinahagi ni Bicol PNP chief, P/Brig. General Jonnel C. Estomo mula sa Camarines Sur Police Provincial Office, dakong 7:40 noong Martes ng gabi sa Zone 1, Brgy. Sabang, Calabanga ay nadakip nila ang 45-anyos na laborer na si Renante Bulawan y Garcia sa isinagawang buy-bust operation at nakumpiskahan ng 13 gramo ng shabu at 5 gramo ng dahon ng marijuana.
Ayon sa rekord ng PNP, si Bulawan ay kasama sa talaan ng Database on Illegal Drugs – Street Level Individual (SLI).
Pagsapit naman ng alas-10:30 ng gabi ay dinampot ang dalawa pang drug pusher sa Zone 5, Brgy. San Gabriel, Pamplona, Camarines Sur.
Kinilala ang mga ito na sina Arnel Gerez y Sabater, 20, at ang menor de edad na si alyas “Caloy”. Nakumpiska sa mga ito ang tig-isang pakete ng maliit na sachet na naglalaman umano ng shabu. Labing limang minuto bago matapos ang araw, dinakip naman ng mga awtoridad ang 29-anyos na Mark John Murillo y Belza na nakumpiskahan ng apat na pakete ng umano’y shabu.
Ang nahuling mga suspek pati na rin ang nakumpiskang mga ebidensya ay nasa kustodiya ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Ang nasabing mga operasyon ay naging matagumpay dahil sa malakas na ugnayan ng PNP Bicol sa pamumuno ni P/BGen. Estomo ng PRO5, at PDEA ROV. (JESSE KABEL)
181 