TINABLA ng Office of Civil Defense (OCD) ang kahilingan ng pamahalaang lungsod ng Bacoor na gawing COVID-19 quarantine facilities ang apat na hotel sa Cavite sa kabila ng umano’y pagsang-ayon ng dalawang Kalihim na namumuno sa National Task Force against COVID-19.
Katwiran ni Undersecretary Ricardo Jalad na siyang tagapangasiwa ng OCD, kailangan dumaan sa tamang proseso ang kahilingan ni Bacoor City Mayor Lani Mercado, kasabay ng paalala sa pinaiiral na alituntunin ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng mga gastusin ng gobyerno.
Giit naman ni Mercado, sinang-ayunan na nina National Task Force Against COVID-19 chairman Defense Secretary Delfin Lorenzana at ni NTF chief implementer Sec. Carlito Galvez ang kanyang kahilingan.
Tugon ni Jalad, wala umano silang natatanggap na anomang dokumentong pwedeng pagbasehan nila para makahingi ng pondo sa Department of Budget and Management (DBM) kung saan magmumula ang pananalaping gagamitin para sa mga nasabing pasilidad.
Hindi rin aniya sapat na aprubado na nina Lorenzana at Galvez ang kanyang hiling dahil sa mahigpit na prosesong ipinatutupad ng COA hinggil sa paggamit ng limitadong pondo ng gobyerno.
Paliwanag pa niya, wala na rin aniyang pinagkukunan ang kanyang tanggapan ng pondong panustos sa apat na hotel na nais gamitin ni Mercado bilang quarantine facilities ng mga residenteng nagpositibo sa nakahahawang karamdaman kaya hindi niya ito masagutan.
Gayunpaman, nilinaw ni Jalad na hindi siya tutol sa pagbubukas ng Oplan Kalinga Hotels at hindi siya ang dahilan kaya hindi nakapaglabas ng pondo o pera para bayaran ang mga nasabing hotel na planong gamitin bilang quarantine facilities.
“Ang gobyerno may umiiral na polisiya. Magbabayad lang ang gobyerno pag may kontrata, kahit naman nasa pandemic tayo ganun pa rin ang patakaran na sinusunod,” saad ng opisyal.
“Dahil nga kailangan may gagawin pa tayong proseso, yun nga hindi nga namin alam kung magkano ba yung babayaran namin dyan.. hindi ba’t dapat din may negotiation base sa procurement system natin,” dagdag pa niya.
Pansamantala, dapat aniyang tinanggap na muna ni Mercado ang alok ng OCD Calabarzon na quarantine facilities na pwedeng pagdalhan ng Bacoor LGU ng kanilang mga pasyente habang ginagawa ang kontrata base sa proseso.
“Kaso nga ayaw nya eh. Gusto nya buksan talaga yung mga hotels, well kung ganun din lang ang gusto niya, siya ang magbayad.”
Hinimok din ni Jalad si Mercado na direkta nang makipag-usap sa Palasyo.
“Eh, bakit idadaan pa sa amin ang pondo e diretso na sa kanya, from the Office of the President, diretso na sa kanya,” dugtong pa ng opisyal.
Panawagan pa ni Jalad sa alkalde, itigil ang pag-iingay sa media at sa halip ay makipagtulungan.
“Dapat din sila rin, makipagtulungan sa amin. Hindi yung ngawngaw ng ngawngaw lang sa media. Wala naman silang ginagawa, iko-close nila yung quarantine facility nila dahil wala silang pondong pang-operate. Meron naman quarantine facility na magagamit, bakit hindi iyon muna ang gamitin?” (JESSE KABEL)
143 