4 TIMBOG SA P.8-M SHABU

UMABOT sa 127sachet ng hinihinalang shabu na P863,600 ang halaga, ang nakumpiska ng mga tauhan ng Manila Police District sa nadakip na apat na umano’y tulak ng ilegal na droga sa ikinasang buy-bust operation sa Sta. Cruz, Manila.

Kinilala ang mga nadakip na sina Ramil Gamboa y Dataro, 36; Reden Crisostomo y Santiago, 39; Lester Cezar y Benitez, 18, at Sherwin Gloria y Tapang, 29-anyos.

Batay sa ulat ni P/SSgt. Jay-Ar Lizada na isinumite kay P/Lt. Col. John Guiagui, commander ng MPD- Station 3, bandang alas-1:50 ng madaling araw noong Sabado nang isagawa ang buy-bust operation sa Rizal Avenue malapit sa Tayuman St. sakop ng Barangay 331 sa Sta. Cruz.

Dumating sa nasabing lugar ang mga suspek na lulan ng Toyota Vios at isang motorsiklo. Nang magkaabutan ng droga at kabayaran ay dinakip ang mga ito ng mga awtoridad.

Nakuha sa mga suspek ang shabu na tinatayang 127.00 gramo at P863,600 ang halaga.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (RENE CRISOSTOMO)

159

Related posts

Leave a Comment