4 TONELADONG SHABU PA NAIPUSLIT NG CHINESE SYNDICATE SA PINAS

(NI BERNARD TAGUINOD/PHOTO BY CJ CASTILLO)

UMAABOT sa 4,000 kilo o apat na toneladang shabu ang ipinasok ng sindikato na kinabibilangan ng Chinese national na nahulihan ng 370 kilo ng droga sa Makati City nitong Miyerkoles.

Ito ang ibinunyag ni House committee on dangerous drug chairman Robert Ace Barbers base sa intelligence report na ipinasa umano ng mga law enforcement agencies sa Kamara.

“According to intelligence report that was forwarded to us, yung sindikato na nahuli kahapon, apparently 4,000 kilos ang kanilang dinala dito sa atin, yun lang sindikato na ‘yan ngayon taon,” ani Barbers na ang tinutukoy ay ang sindikatong kinabibilangan ng nahuling Chinese national na si Liu Chao.

Si Chao ay nahulihan  ng P3 bilyon halaga ng shabu na naka-impake sa teabag sa Makati habang 200 kilo  naman nahuli ng mga otoridad sa Las Pinas na naghahalaga naman ng P2.5 bilyon na pareho ang packaging.

“Nakuha na natin three hundred seventy kilos sa Makati, sa La Pinas another 200 kilos so 500 kilos, napakaliit pa rin. Marami pa ring nakakalat at marami pang nakatago dyan, sigurado,” ani Barbers.

Sinabi ng mambabatas na ibinabagsak umano ng mga barko sa laot ang nasabing drogang pumasok sa bansa at kinukuha ng mga sindikato upang hindi na dumaan sa mga pantalan subalit hindi pa rin nito  isinasantabi na posibleng may mga nakakalusot pa rin sa Bureau of Customs (BOC).

“Itong kanilang teorya, ship side smuggling, ibinabagsak sa laot, sinasalubong sa laot…yung iba naman posibleng dumadaan pa rin sa ating mga port,” ayon pa sa mambabatas.

DEATH PENALTY KAILANGAN NA TALAGANG IBALIK

Dahil dito, sinabi ni Barbers na kailangan na talagang ibalik ang death penalty sa bansa dahil wala nang kinatatakutan ang mga sindikatong ito dahil sa kabila ng giyera kontra ilegal na droga ay patuloy ang kanilang operasyon.

Dapat  may stern warning, dapat talaga may mag-instill ng fear among these  sindicate dahil tatawanan lang tayo nyan…actually nasa isip nila kaya naming i-corrupt ang mga pulis, kaya naming i-corrupt ang inyong law enforcer, hindi kami mahuhuli  nyan,” ayon pa sa mambabatas.

Mas kailangan aniya ang nasabing batas dahil maraming paraan ang ginagawa ng sindikato ng droga para magpasok sa bansa ng ilegal na droga kahit seryoso ang gobyerno sa pagsugpo sa nasabing problema.

Gayunpaman, nilinaw ni Barbers na tanging sa mga dayuhan na nag-ismuggle ng ilegal na droga gagamitin ang batas na ito dahil kung hindi ay hindi umano titigil ang mga ito.

 

508

Related posts

Leave a Comment