4 TULAK ARESTADO SA P5-M SHABU

NATIMBOG ng mga awtoridad ang apat na indibidwal, kabilang ang isang babae, makaraang painan ng boodle money sa isinagawang buy-bust operation sa Tondo, Manila noong Biyernes ng hapon.

Swak sa selda ng Manila Police District-Jose Abad Santos Police Station 7, ang apat na mga suspek na kinilalang sina Jose Dantes Raymundo, 44; Robert Justiniani Jr., 30; Rommel Ortilano, 28, driver; at Malyn Alexisse On.

Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Harry Ruiz Lorenzo III, commander ng MPD-Station 7, bandang ala-1:00 ng hapon nang isagawa ang buy-bust operation sa tabi ng Centriole Gas Station sa Juan Luna St., malapit sa panulukan ng Hermosa Street, sakop ng Brgy. 194 sa Tondo.

Pinangunahan ni P/Lt. Joan Dorado, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), ang nasabing operasyon at sina P/Cpl. Arvic Valdez at P/Cpl. Richmond Morales ang naatasang nagkunwaring bibili ng droga.

Nang magkaabutan ng droga kapalit ng minarkahang salapi, isang senyas ang naging hudyat para arestuhin ang mga suspek.

Sa imbentaryong isinagawa ng MPD-SDEU, nakuha sa mga suspek ang 800 gramo ng hinihinalang shabu na tinAtayang P5,440,000 ang halaga.

Naging matagumpay ang drug operation ng mga tauhan ni Lorenzo na pinuri ni MPD-District Director, P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco. (RENE CRISOSTOMO)

266

Related posts

Leave a Comment