BATANGAS – Umaabot sa 44 surrendered firearms ang hinihinalang ninakaw makaraang maglaho ang mga ito sa safety deposit cabinet ng Tanauan City Police Station sa lalawigang ito.
Batay sa report ng pulisya, isang miyembro ng Tanauan police ang hinihinalang responsable sa pagkawala ng nasabing mga baril.
Ang nawawalang mga baril ay nakadeposito sa police station matapos boluntaryong isuko ng mga gun holder na sumailalim sa kampanya ng PNP hinggil sa loose firearms.
Noong nakaraang Hunyo 8 pa nadiskubre ng dalawang custodian ang pagkawala ng mga baril mula sa safety cabinet.
Ngunit nang magsagawa ng imbestigasyon ang Tanauan police, natuklasan nitong Biyernes na isa sa nawawalang mga baril na 9mm ay isinangla ng pulis na si Patrolman Mark Jay Lirio sa kapwa pulis na si P/SSgt. John John Patulot sa halagang P10,000.
Ayon kay Patulot, sinabi umano ni Lirio na pag-aari niya ang nasabing baril.
Ngunit nang beripikahin nito ang serial number, nalaman na kabilang ang baril sa mga nawawala.
Pinaghahanap ngayon ng Tanauan police ang nawawala na ring si Lirio upang magbigay linaw sa pangyayari. (NILOU DEL CARMEN)
