5-EKTARYANG LUPANG GOBYERNO IPINAMAHAGI SA MGA RESIDENTE

TAYTAY, Rizal – Higit pa sa asam na regalong karaniwang natatanggap sa panahon ng Kapaskuhan, ang magkatuwang na iginawad ng lokal na pamahalaan at mga ahensyang may mandatong kaugnay ng palupa at pabahay, ang pagpapamahagi ng lupang kinatitirikan ng mga kabahayan sa Sitio Tapayan, Barangay Sta. Ana.

Sa isang kalatas, binigyang pagkilala ng mga residente ng Samahang Masigasig ng Sitio Tapayan Homeowners Association (SAMATHOA) sina Taytay Mayor Joric Gacula, Undersecretary Benny Antiporda ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Presidential Commission on Urban Poor (PCUP) Chairman Alvin Feliciano, sa inisyatibong mapasakanila ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay matapos ang 30 taong paghihintay.

Pagtitiyak naman ni Gacula, sisimulan ang pamamahagi ng Original Certificate of Title (OCT) para sa dalawang ektaryang bahagi, sa pagpasok ng buwan ng Enero, habang ang nalalabing tatlong ektarya naman ay isasalin sa mga aktuwal na nakaposisyon bago pa man matapos ang taong 2022.

Paalala pa ng alkalde, tanging processing fee ng mga titulo at payback taxes ang gagastusin ng mga benepisaryong miyembro ng SAMATHOA, sa kabila pa ng pagpapaunlad, pagpapaganda ng nasabing komunidad mula nang sila’y manirahan sa nasabing lugar, may 30 taon na ang nakararaan.

“Ang tagumpay na ito ay tagumpay ng bawat mamamayan ng ating bayan na naging kasangga natin sa laban na ito na magkaroon ng sariling lupa na titirahan ng ating pamilya. Ang pangyayaring ito ay magmamarka sa ating kasaysayan,” ani Gacula sa kanyang Facebook post. (FERNAN ANGELES)

263

Related posts

Leave a Comment