5 KALABOSO SA PAGBATAK NG SHABU

LIMANG hinihinalang drug personalities, kabilang ang dalawang ginang, ang arestado matapos maaktuhang sumisinghot umano ng shabu sa Valenzuela City nitong Sabado ng madaling araw.

Kinilala ni P/Lt. Joel Madregalejo, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela Police, ang naarestong mga suspek na sina Melvin Cabuyao, 41, construction worker; Enrico San Juan alyas “Bunso”, 43; Jiolito Ursal, 54, foreman; Leonora Sioco alyas “Wewen”, 47, at Helen Domingo, 52-anyos.

Ayon sa report ni SDEU investigator Pamela Joy Catalla kay Valenzuela Police chief, Col. Ramchrisen Haveria Jr., dakong ala-1:15 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU ng validation matapos ang natanggap na tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap umanong illegal drug activities sa Blk. 3, Lot 8, Mansanas St., Brgy. Balangkas.

Sa nasabing pagresponde ng mga awtoridad sa nasabing lugar ay naaktuhan ang mga suspek na sumisinghot umano ng shabu sa loob ng bahay ni Domingo na naging dahilan upang arestuhin ang mga ito.

Nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang 2 grams ng hinihinalang shabu na P13,600 ang halaga, ilang drug paraphernalia, limang cellphones at P220 cash.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (FRANCIS SORIANO)

237

Related posts

Leave a Comment