NASAMSAM ng Philippine National Police (PNP) ang tinatayang ₱1.8 bilyong halaga ng ilegal na produkto sa magkakasabay na operasyon laban sa iligal na kalakalan at pagmimina noong Abril 10, 2026.
Sa ilalim ng pamumuno ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., sinabi ng PNP na ang serye ng operasyon ay bahagi ng pinaigting at intelligence-driven na kampanya upang sugpuin ang mga paglabag sa batas at maprotektahan ang publiko.
Sa Lapu-Lapu City, Cebu, sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng pulisya ang isang pasilidad sa Cebu Light Industrial Park sa Barangay Basak sa bisa ng search warrant. Limang indibidwal, kabilang ang apat na dayuhan, ang naaresto dahil sa paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code kaugnay ng falsification at paggamit ng pekeng dokumento.
Nadiskubre sa operasyon ang isang malakihang iligal na pabrika ng sigarilyo. Libo-libong kahon ng sigarilyo na may hinihinalang pekeng tax stamps, gayundin ang mga makina at hilaw na materyales, ang nasamsam na tinatayang nagkakahalaga ng ₱1.1 bilyon. Nananatili sa lugar ang mga ebidensya dahil sa dami ng nakumpiska.
Sa hiwalay na operasyon sa Valenzuela City, sinalakay ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), katuwang ang Bureau of Customs (BOC) at Department of Trade and Industry (DTI), ang isang bodega sa Barangay East Canumay sa ilalim ng Oplan Mega Shopper.
Sa bisa ng Letter of Authority mula sa BOC, nasamsam ang mga imported na pabango na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱700 milyon. Patuloy namang tinutugis ang pangunahing suspek na kilala sa alyas na “Allen,” na nananatiling at large.
Ayon sa mga awtoridad, sasailalim sa beripikasyon ng DTI ang mga nakumpiskang produkto upang matiyak ang pagsunod sa Republic Act No. 7394 o Consumer Act of the Philippines, habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso.
Samantala, dalawang indibidwal ang naaresto sa operasyon laban sa ilegal na pagmimina sa Barangay Osmeña, Tagbina, Surigao del Sur.
Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng PNP, 1st Surigao del Sur Provincial Mobile Force Company, Tagbina Municipal Police Station, at Department of Environment and Natural Resources (DENR), kung saan nasamsam ang iba’t ibang kagamitang pangmina at humigit-kumulang 70 sako ng lupa na pinaghihinalaang may lamang ginto.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7942 o Philippine Mining Act of 1995, habang isinailalim sa kustodiya ng DENR ang mga ebidensya para sa kaukulang disposisyon.
Binigyang-diin ng PNP na magpapatuloy ang kanilang kampanya laban sa iligal na gawain, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
131 