6 HINIHINALANG FOREIGN SPIES, INARESTO NG AFP AT NBI

KINUMPIRMA ng Department of National Defense (DND) na nagsagawa ng joint law enforcement operation ang composite team mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI), at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na nagresulta sa pagkakaaresto sa anim na banyaga at dalawang Pilipino sa bisa ng inisyung warrant of arrest ng korte.

Ayon sa inilabas na impormasyon ng DND, kabilang sa mga nahuli ang limang Chinese, isang Cambodian, at dalawang Pilipino na inaresto dahil sa paglabag sa Securities Regulation Code at Cybercrime Prevention Act.

Target ng warrant of arrest ang isang Chinese national na kinilalang si Qiu Feng, na ang tunay na pangalan ay Ye Tianwu (also known as Qing Feng) kamakalawa ng umaga sa Grande Island sa Subic.

Bukod kay Ye Tianwu, dinakip din sa hinalang pang-eespiya at kidnapping na may kaugnayan sa POGO operation, sina Xu Xining; Ye Xiaocan; Su Anlong; at He Peng; kasama ang Cambodian na si Ang Deck/Dick; at dalawang Pinoy na kinilalang sina Melvin Mañosa Aguillon, Jr. at Jeffrey Espiridion, na mga tauhan ni Ang Deck/Dick.

“The arrest exposes the unlawful nature, including suspected espionage and kidnapping activities related to Philippine Offshore Gaming Operations (POGO), for which some foreign nationals are using Grande Island under the guise of private enterprises,” ayon sa DND.

“Such activities, which may be part of larger criminal network operations, pose a serious threat to our national security,” pahayag pa ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa.

Nakumpiska sa mga inaresto ang mga cellphone, laptop, isang 9mm baril, at 16 na bala.

Babala ng DND, ang ganitong aktibidad na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) ay banta sa pambansang seguridad.

Pinag-aaralan ngayon ng DND na ideklarang military reservation ang Grande at kalapit na Chiquita Islands upang maprotektahan ang Subic Freeport Zone, Riviera Wharf, at Subic Bay International Airport kung saan ay malayang napagmamatyagan ang lawak ng West Philippine Sea.

(JESSE KABEL RUIZ)

47

Related posts

Leave a Comment