ANIM na lalaki ang inaresto ng mga pulis matapos umanong gumamit ng pekeng resibo bilang patunay ng bayad sa isang hotel at resort sa Barangay Guis-Guis Talon, Sariaya, Quezon.
Ayon sa pulisya, dumating ang pangunahing suspek na si alyas “JR” sa resort noong madaling araw ng Miyerkoles, Setyembre 16, upang magtanong tungkol sa kuwarto at bumalik dakong alas-4 ng hapon para mag-check in.
Ipinakita umano nito sa resort ang transaction receipt sa kanyang cellphone na nagsasabing nakapagbayad na siya para sa dalawang araw na accommodation, bago dumating at nag-check in ang kanyang limang kasama.
Kinabukasan, araw ng Huwebes, Setyembre 17, nang beripikahin ng management ang kanilang bank o e-wallet account, napag-alamang walang pumasok na kaukulang bayad sa bill ng grupo na umabot sa P68,196.00
Nakaalis na umano ang grupo sakay ng isang itim na Maxus G50 MPV, kaya nakipag-ugnayan ang Sariaya Police sa Provincial Highway Patrol Team-Quezon para sa beripikasyon at pagtugis sa naturang sasakyan.
Naabutan at naaresto ang anim na suspek at kalaunan ay dinala sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon.
Ang naaresto ay isang 28-anyos na taga Manggahan, Pasig City; isang 29-anyos na taga Brgy. Halang Naic, Cavite; dalawang taga Santo Cristo, Baliuag, Bulacan; isang 30-anyos na Taga Las Piñas City; at isang 25-anyos na taga Dasmariñas City.
Inihahanda na ang kasong estafa para sa inquest proceedings sa Office of the Provincial Prosecutor.
(NILOU DEL CARMEN)
63 