PAGRESOLBA SA BAHA TINALAKAY NG DPWH, BULACAN OFFICIALS

BUMISITA si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vivencio Dizon sa lalawigan ng Bulacan at nakipagpulong kay Governor Daniel R. Fernando kasama ang mga representante ng bawat distrito, municipal at city mayors, upang talakayin ang mga pangunahing solusyon sa malawakang pagbaha sa probinsiya, na ginanap sa Francisco Balagtas Hall sa Hiyas ng Bulacan Convention Center noong Biyernes.

Sa isinagawang video presentation tungkol sa usaping pagbaha sa probinsiya, inilahad ni Manuel M. Lukban, Jr., hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), ang mga kondisyon sa mga bayan na pinakamatinding naapektuhan, kung saan ang patuloy na pagbaha ay umaabot sa lalim na hanggang limang talampakan, pati na rin sa mga lugar na kamakailan lamang ay nakaranas ng pagbaha. Tinalakay rin niya ang mga posibleng sanhi ng pagbaha sa mga komunidad na ito.

Binigyang-diin ni Fernando ang agarang pangangailangang maibsan ang paghihirap ng mga Bulakenyo na binaha kaya isinagawa ang pagpupulong sa DPWH officials sa pangunguna mismo ni Dizon at tatlong district engineers na sina Engr. Keneth Fernando ng 1st District, Engr. John Paolo Tan ng 2nd District, at Engr. Edgardo Pingol ng 3rd District.

Binigyang-diin ni Fernando na ang paulit-ulit na pagbaha ay nakaapekto hindi lamang sa mga tahanan at kabuhayan, na nag-iiwan sa mga pamilya sa mga mahihinang komunidad na balisa kahit na sa inaasahang pag-ulan.

Binalangkas ni Dizon ang mga agarang interbensyon, kabilang ang dredging at clearing ng waterways, paglalagay ng mga modular barrier na maaaring patungan ng hanggang tatlong metro upang isara ang mga puwang o gap sa mga pader ng ilog, at paglalagay ng mga mobile pump sa mga nasirang floodgate at pumping station.

Sinabi ni Dizon, hinati sa tatlo ang isasagawang flood management plan para sa lalawigan ng Bulacan, ito ay ang immediate, medium term at long term interventions na siyang tutugon sa paghihirap ng mga residente.

Dagdag ng kalihim, kailangan ng mga Bulakenyo ng mabilis at naaangkop na aksyon matapos ang maraming taon ng pagbabaha.

“Ang kailangan na po ng mga kababayan natin, lalo na dito sa Bulacan, talagang grabe na po ang dinaranas ng mga kababayan natin for years, lalo na dito sa problema sa baha, ay kailangan na natin ng immediate action.

Umaksyon na nang mabilis at umaksyon na nang tama. Nagsasawa na po ang mga kababayan natin sa salita, kailangan po talaga ngayon ay umaksyon na,” wika ni Dizon.

(ELOISA SILVERIO)

168

Related posts

Leave a Comment