LAGUNA – Anim na miyembro ng pamilya ang patay habang isa ang kritikal ang kalagayan matapos na tumaob ang sinasakyan nilang pick-up sa Calamba City sa lalawigang ito, nitong Biyernes ng madaling araw.
Ayon sa report ng Calamba City Police, batay sa pahayag ng mga testigo, mabilis ang takbo ng pick-up sa national highway habang paparating ito sa matalim na kurbada malapit sa tulay na boundary ng Barangay Paciano at Barangay San Cristobal sa Calamba City.
Dahil umano sa bilis ng takbo ng pick-up, lumihis ito sa kabilang linya at muntik nang masalpok ang kasalubong na isang motorsiklo at isang pampasaherong jeep na kapwa nakailag.
Umilag din ang pick-up kaya nawalan ito ng kontrol at bumaliktad saka bumangga sa barricade sa gilid ng highway.
Sa lakas ng impact, wasak na wasak ang buong pick-up at naipit sa loob ang pitong sakay nito.
Agad namang sumaklolo ang mga tauhan ng Calamba PNP, Calamba BFP, at Laguna STAC rescue team.
Subalit apat sa mga sakay ang binawian ng buhay sa Calamba Doctors Hospital samantalang dalawa ang idineklarang dead on arrival sa Global Medical Care sa Cabuyao City.
Kinilala ng Calamba City Police ang mga namatay na sina Jhomel Hernandez Licas, 26, nagmamaneho sa pick-up; Ruel Hernandez Dimailig; Jonel Hernandez, 29; Medel Hernandez, 32; at Angelo Hernandez, 24; pawang mga residente ng Barangay San Roque, Tagkawayan, Quezon.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng kaanim na namatay na isang lalaki.
Nasa kritikal namang kalagayan sa ospital ang isa pa sa mga sakay na si Marvin Hernandez, 22-anyos.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng Calamba Police sa insidente. (NILOU DEL CARMEN)
