ANIM na itinuturing na most wanted criminals sa Ilocos Region ang nadakip bukod pa sa 155 na mga baril ang nasamsam sa isinagawang Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operation ng PNP-Police Regional Office 1 (PRO 1).
Sa ibinahaging report ni Brig. Gen. Jovencio Badua Jr., PRO 1 regional director, umaabot sa 155 iba’t ibang uri ng baril ang nasamsam sa tatlong araw na anti-criminality and law enforcement operation sa buong rehiyon kabilang dito ang apat na baril na pakay ng target operations.
Nabatid na bahagi ito ng Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations kung saan nasa 42 wanted person ang nadakip kabilang ang anim na itinuturing na most wanted at apat na taong may firearm-related charges.
Base sa Record ng Police Regional Office 1 (PRO 1), 42 wanted persons ang naaresto sa loob ng tatlong araw na SACLEO mula Agosto 17 hanggang 19, 2026.
Sa 42 kataong may nakabinbing warrant of arrest, anim ang kabilang sa Most Wanted Persons (MWPs)—dalawa sa provincial level, isa sa city level, at tatlo sa municipal level—habang 36 na iba pang wanted persons ang naaresto sa magkakahiwalay na manhunt operation ng mga pulis sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, at Pangasinan.
Sa ilalim ng Enhanced A.L.E.R.T.O. Framework ay pinatibay ng PRO 1 ang intelligence-driven at target-oriented na mga operasyon laban sa wanted persons.
Tinutukan ng PNP PRO1 ang pagtukoy, pagsubaybay, at agarang pag-aresto sa mga indibidwal na may kinakaharap na kaso, upang matiyak na hindi habang panahon ay matatakasan nila ang batas.
“Ang tagumpay ng tatlong araw na SACLEO ay bunga ng maayos na koordinasyon, masusing intelligence gathering, at mabilis na pagtugon ng ating mga kapulisan. Ipinakita ng ating mga tauhan na sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, mas nagiging epektibo ang paghahanap at pag-aresto sa mga wanted person,” pahayag pa ni PBGen. Jovencio S. Badua Jr.
(JESSE RUIZ)
83 