NANAWAGAN si Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development Chairman Erwin Tulfo sa mga magulang at guardians na higit na bantayan at kausapin ang kanilang mga anak sa halip na umasa lamang sa teknolohiya sa pag-alam sa kanilang kalagayan.
Ang pahayag ni Tulfo ay kasunod ng pagkakarekober ng baril sa bag ng isang Grade 9 student sa Pinamungajan, Cebu, ilang araw matapos ang shooting incident sa Ateneo de Zamboanga University (ADZU) na ikinasawi ng dalawang estudyante at ikinasugat ng siyam na iba pa.
Ayon sa mga awtoridad, pagmamay-ari ng lolo ng estudyante ang baril na nakuha sa Cebu.
“Nagsisimula talaga ito sa bahay. Ano ang nagtulak sa mga batang ito para isiping ayos lang magdala ng baril, armas sa paaralan?” ani Tulfo.
Hinimok ng senador ang mga magulang at tagapangalaga na regular na kausapin ang kanilang mga anak upang malaman ang kanilang nararamdaman at mga pinagdaraanan.
“Dapat maging aral ito sa lahat, sa bawat magulang at tagapangalaga. Pakiusap, kausapin ninyo ang inyong mga anak,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Tulfo na walang batang likas na marahas at maaaring may mga sitwasyong nagtutulak sa mga kabataan na gumawa ng mapanganib na hakbang.
Samantala, iginiit niya ang mas mahigpit na pananagutan sa mga gun owner at custodian na nagpapabaya sa pag-iingat ng kanilang mga armas.
Ayon kay Tulfo, inihahanda na ang isang panukalang batas na magpapataw ng criminal liability sa mga negligent o pabayang may-ari at custodian ng baril.
“Hindi na natin kailangang maghintay ng isa pang buhay na mawawala o ng karagdagang collateral damage,” giit niya.
Layunin aniya ng panukala na matiyak na hindi makakakuha ng baril ang mga bata, maging responsable ang mga gun owner at mapigilan ang paggamit ng mga armas sa mga trahedya.
58 