ANIM pang bangkay ng mga pasahero ang narekober ng technical divers mula sa lumubog na MV Trisha Kerstin 3 sa Baluk-Baluk Island Basilan, na nagdala sa kabuuang bilang ng mga nasawi sa 51.
Natagpuan ang limang bangkay ng technical divers nang magsimulang sumisid dakong alas-6 ng umaga sa lalim na 180 feet sa loob ng barko sa bahagi ng unang deck ng economy accommodation area.
Samantala, isa pang bangkay ang narekober sa lalim na 187 feet sa loob din ng accommodation area ng lumubog na barko.
Agad na isinakay ang mga bangkay sa BRP Melchora Aquino (MRRV-9702) at inilipat sa BRP Capones (MRRV-4404) para dalhin sa Zamboanga City Port para sa pagkakakilanlan, kasabay ng koordinasyon sa mga lokal na opisyal.
Sinabi ni PCG Spokesperson Capt. Noemie Cayabyab, patuloy ang search and dive operations sa kabila ng malakas na underwater currents at hindi matatag na posisyon ng barko na natagpuang nakatagilid.
(JOCELYN DOMENDEN)
2
