(NI NOEL ABUEL)
PASOK ang anim na reelectionist senators sa top 12 ng pinakahuling senatorial survey ng Social Weather Station (SWS).
Sa nasabing survey na isinagawa noong nakalipas na Disyembre 16-19, nanguna si Senador Cynthia Villar na nakakuha ng 62% na puntos at sinundan ni Senador Grace Poe na nakakuha ng 60%.
Nagtabla naman sa rank 3-5 sina Rep. Pia Cayetano, Senador Sonny Angara at Senador Nancy Binay na may tig-40 porsiyento.
Bilang reaksyon, sinabi ni Angara na itinuturing nitong ang resulta ng survey bilang inspirasyon sa pagsusulong ng pangangailangan ng mga Filipino.
“Magsisilbi po itong inspirasyon upang lalo nating pagsikapan at isulong ang mga pangangailangan ng bawat pamilyang Filipino mula sa libreng de-kalidad na edukasyon, tulong pangkalusugan, oportunidad na magkaroon ng disenteng trabaho na may sapat na kita, at suporta sa ating mga senior citizens at people with disabilities (PWDs),” saad ni Angara.
Samantala, nasa ikaanim na puwesto ang aktor at dating Senador Lito Lapid na may 38% habang sinundan naman ito ni dating Senador Bong Revilla na may nakuhang 35 porsiyento.
Kapwa nasa ikawalo at siyam na puwesto naman sina Senador Koko Pimentel at dating Senador Jinggoy Estrada na may tig-34%.
Sumunod sa si dating Senador Mar Roxas, 28% na sinundan ni Ilocos Gov. Imee Marcos, 27% habang nasa ika-12 pwesto si Senador JV Ejercito, 26%.
Bagama’t sabit sa top 12, Ikinatuwa rin ni Ejercito ang lumabas na resulta ng survey.
Humabol naman sa ika-13 hanggang 16 na pwesto sina dating Senador Serge Osmeña, Senador Bam Aquino, Bong Go at retired General Bato dela Rosa.
398