PUMALO na sa 60 ang kabuuang bilang ng mga kasong kriminal ang isinampa ng Bureau of Customs (BOC) laban sa mga bulilyasong importers at maging sa hanay ng mga licensed Customs brokers sa unang anim na buwan ng kasalukuyang taon.
Sa ulat na isinumite ng Bureau’s Action Team Against Smugglers (BATAS), 57 kaso ang inihain sa Department of Justice (DOJ).
Sa nasabing bilang, 46 kasong kriminal ang inihain laban sa 145 importers, exporters at customs brokers dahil sa hayagang paglabag sa Republic Act 10863, na mas kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Nasa 11 kasong administratibo naman ang inilagak ng BATAS sa Professional Regulation Commission (PRC) laban sa mga licensed customs brokers.
Sa datos ng kawanihan, kabilang sa mga naging batayan ng pagsasampa ng kaso ay cigarette smuggling na umabot sa P250.6 milyon, agri-smuggling na nasa P163.3 milyon, iligal na pagpupuslit ng mga electronic devices sa halagang P137.9 million at general merchandise na may suma-total na P77.3 milyon, motorsiklong aabot sa P49.4 milyon, P23.1 milyong halaga ng ukay-ukay at iba pang kalakal na tinatayang aabot sa halagang P18.4 milyon.
