NASABAT ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang P38 milyong halaga ng mga pekeng Copper mask sa pagsalakay sa ilang mga tindahan sa lungsod ng Maynila, Pasay City at sa Biñan, sa lalawigan Laguna.
Ayon kay NBI Officer-in-Charge Eric Distor, dumulog sa kanilang tanggapan ang mga opisyal ng JC Premiere Business International, ang opisyal na distributor ng Copper mask sa bansa.
Humingi ang kumpanya ng tulong upang masawata ang pagkalat ng mga pekeng Copper mask sa lokal na merkado at maging sa online selling platforms.
Natukoy sa imbestigasyon ang kinaroroonan ng mga bodega na pinag-iimbakan ng mga pekeng Copper mask kaya agad kumuha ng search warrant ang NBI sa Manila Regional Trial Court Branch 46.
Noong Pebrero 4 nang salakayin ng NBI-National Capital Region ang pitong bodega sa Binondo, Maynila at sa Pasay City at isa pang bodega sa Biñan, Laguna. Dito nadiskubre ang kahon-kahong Copper masks na aabot sa halagang P38 milyon.
Nasa pangangalaga na ng NBI ang naturang mga pekeng produkto habang nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 8293 (Trademark Infringement) ang mga taong nasa likod ng naturang pamemeke at distribusyon nito. (RENE CRISOSTOMO)
175
