#7: “HUWAG KANG MAGNAKAW”

KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI

NATUPAD na ang inaasahan. Ibinasura ng Kongreso ang dalawang impeachment complaints laban kay PBBM. Rejected ang reklamo sa House Committee on Justice at tinatakan itong “insufficient in substance”. Ibig sabihin, madramang ek-ek lang pero walang sapat na basehan.

Taliwas naman ito sa magigiging kapalaran ng tatlong impeachment complaints na isinampa laban kay Vice President Sara Duterte. Inaasahan na ang gagawing pagtanggap dito ng Kongreso at mabilis na idudulog ito sa Senado na siyang aaktong hukuman na maghahatol kung sisibakin ba o mananatili ang pangalawang pangulo sa puwesto. Suntok na sa buwan ang pangalawang senaryo.

Kung hindi kinaangan ng Korte Suprema ang impeachment complaints kay VP Sara noong nakaraang taon, malamang ay wala na siya sa eksena ngayon. Sibak na sa puwesto. Bagama’t ibinasura ng Korte Suprema kamakailan ang legalidad ng unang impeachment sa aspeto ng teknikalidad, hindi naman nagdesisyon ang mga mahistrado sa legalidad o ilegalidad ng mga kasong pumapaloob sa impeachment.

Ngayon, obligado nang magpaliwanag si VP Sara kung paano niya ginastos ang P612.5 million confidential/intelligence fund (CIF) ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong kalihim pa siya nito. Hindi na siya makaiiwas. Isang malaking isyu ang mga report mula sa Philippine Statistic Authority na ‘yung marami sa mga isinumiteng pangalan ng mga tumanggap ng pera mula sa CIF ng OVP at DepEd ay multo dahil wala sa talaan nila ang mga ito bilang mamamayang Pilipino.

Maliwanag na dinekwat ang pondo. Pinalalabas na may tumanggap ng pera pero nang maberipika ay huwad pala ang mga benepisyaryo kagaya ni “Mary Grace Piattos”. Isa itong lantarang pagnanakaw sa salapi ng taong-bayan. Nararapat lang na kasuhan at parusahan ang utak at ang kanyang mga kasapakat sa pandarambong.

Mahihirapan nang makawala si VP Sara sa kinahaharap niyang impeachment ngayon. Kahit na ano pa mang galit na mensahe niya sa Facebook na binabalewala ang impeachment complaints at bumabatikos sa mga naghain nito, malabo siyang maabswelto.

Atat na atat na ang mayorya sa Kongreso na aprubahan ang tatlong reklamo. Mabibilang lang ang mga kokontrang kakampi niya rito. At pagdating naman sa Senado, kahit na sangkaterba pang abogado ang magdepensa sa kanya, wala rin siyang sapat na bilang na mga kakamping senador upang pawalang-sala siya. Kokonti na nga, nagtatago pa si Senador Bato dela Rosa at nanganganib pang arestuhin ang tatlo pa niyang disipulong senador – Joel Villanueva, Jinggoy Estrada at Chiz Escudero – dahil sa flood control scam. Lalo pang mababawasan ang mga alyado niyang senador.

Madilim na ang langit para sa plano niyang pagkandidato bilang pangulo sa 2028.

##########

MAKABULUHAN ang isinusulong na panukalang batas ni Sen. Erwin Tulfo – ang West Philippine Sea (WPS) Education Act – na may layuning isama sa sistema ng edukasyon sa bansa ang pagtuturo sa mga estudyante ng mga impormasyon na may kaugnayan sa WPS sa gitna nang patuloy na paggigiit ng bansang Tsina na sakop daw nila ang bahaging ‘yun ng ating karagatan.

Sa nagsasalimbayang pagbaha ng mga magkakasalungat na argumento lalo na sa social media kung sino ba ang may tunay na karapatan sa WPS, nararapat lang na malaman ng bawat Pilipino lalo na ang mga kabataang mag-aaral na may sapat na basehan ang ating pamahalaan sa pag-angkin ng WPS na kinilala naman ng maraming bansa.

Noong 2016 ay nagpasya ang Permanent Court of Arbitration pabor sa Pilipinas at pinagtibay ang eksklusibong soberanong karapatan natin sa WPS sa ilalim ng “United Nations Convention on the Law of the Sea”. (UNCLOS). Ibig sabihin, ang WPS ay kabilang sa lehitimong teritoryong nasasakop ng Pilipinas.

Ibinasura rin ng UNCLOS ang pag-aangkin ng Tsina sa WPS batay sa ilalim ng kanilang kontrobersyal na “nine-dash line” dahil wala itong legal na batayan.

Pero ang nakalulungkot at nakadidismaya sa kabila ng desisyon ng UNCLOS ay may mga Pilipinong naniniwala at pumapabor pa rin sa Tsina kahit na maraming beses nang dinadahas ng puwersang pandagat ng mga Intsik ang mga kababayan nating mangingisda sa WPS. Binobomba ng tubig. Pinasasagiran ng kanilang barkong pandigma ang mga bangka ng ating mangingisda. Subalit, nananatiling matatag ang posisyon ng ating gobyerno na ATIN ang WPS at patuloy lang sa pagsusulong ng ating paninindigan sa mapayapang pamamaraan.

Nitong huli ay humantong na sa palitan ng mga magkakasalungat na pahayag ang tunggalian hanggang sa naglabas ng isang resolusyon ang Senado na binabatikos ang mga opisyales ng Chinese embassy dito sa bansa dahil sa paggamit ng mga salitang walang puwang sa larangan ng diplomasya. Nilagdaan ang resolusyon ng 15 senador.

Usapin ito ng paninindigan sa kalayaan ng ating bansa laban sa panghihimasok at paglapastangan ng Tsina sa atin. Pero bakit 15 lang ang lumagda sa resolusyon? Ano ang posisyon ng 9 na senador na kabilang sa kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte? Take note – si Digong ang nakikipag-beso-beso sa Tsina noong kanyang panunungkulan.

Ngayon, kung hinahamon na ang karapatan at kalayaan ng sarili mong bansa sa patuloy na panghihimasok ng Tsina pero nanatili kang dedma lang at mas malintik kapag nagpapahayag ka pa ng pabor o parang kumakampi sa kumakalaban sa iyong pamahalaan at mga opisyales nito – isa kang TRAYDOR na nararapat itakwil ng sambayanang Pilipino!

Pero hindi pa nakuntento si Senador Rodante Marcoleta, isa sa 9 na senador na hindi pumirma sa resolusyon na kumukondena sa Tsina. Nagpahayag pa siya sa Senado na ibigay na lang sa Tsina ang Kalayaan Island Group (KIG) na kabilang sa teritoryo ng Pilipinas sa WPS upang maiwasan ang gulo. Ngunit tumatanggi siya. Wala raw siyang sinasabi. Pero nagkalat sa Facebook ang video noong magpahayag siya na ibigay na lang ang KIG.

Para siyang batang magbibigay ng sariling kendi sa kumakaaway sa kanya. Ngunit hindi isang kendi o simpleng bagay ang gustong ibigay ni Marcoleta. Kasamang ibibigay niya sa Tsina ang munisipalidad ng Kalayaan na sakop ng Palawan. Ito ay may lokal na pamahalaan na sumasakop sa nasa 400 na residente. Lahat sila ay lehitimo at katutubong Pilipino na may likas na karapatan sa kanilang sariling lupain at walang dayuhan na pwedeng mag-angkin.

Dahil sa pahayag ni Marcoleta, nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Bayan ng Kalayaan na humihiling sa Senado na burahin sa record ng kapulungan ang sinabi ng senador. Kamakailan ay nagdeklara na ang lokal na pamahalaan na “persona non grata” sa kanilang bayan si Chinese Ambassador to Manila Jing Quan. Baka isunod nilang ideklara si Marcoleta.

Hindi ko sila masisisi.

##########

Teka, ano na ang estado sa ginagawang imbestigasyon sa mga anomalya ng dekwatan sa flood control projects ng DPWH? Umaasa pa ba kayo na magkakaroon ito ng makabuluhang wakas? Kakasuhan at makukulong ang lahat ng mga manderekwat, maliit man o malaking isda sa turing?

Maraming nananalig sa pagwawagi ng katarungan. Sumasaludo ako sa kanila. Pero sa mahabang panahon ko na sa pamamahayag, naging pragmatiko na ako. Wala akong nababanaag na pagwawagi ng katarungan. Sa pananaw ko, kahit maglakad man tayo nang paluhod sa lahat ng simbahan, walang mangyayari sa isinasagawang imbestigasyon. Pero, sana, sana… mali ako.

May ilang kasangkot na gagawing exhibit sa mapanuring mata ng publiko. May kakasuhan, ikakalaboso at ang iba ay magsosoli ng perang dinekwat. May ilan ding sisibakin sa puwesto pero ang ilan sa kanila ay silbing “sacrificial lambs” at ang iba naman ay nadamay lang.

Pero ang mga ito ay magsisilbi lang na mga palabas upang mabawasan ang ingay hanggang sa pagbabalik ng kinamulatang praktika – ang muling wan-to-sawang pagnanakaw ng mga opisyales at tauhan ng gobyerno sa salapi ni Juan de la Cruz.

Nakalulungkot at nakagagalit mang isipin, ito ang kalakaran sa ating bansa. Kaya mo pa Juan de la Cruz?

##########

Kaya dapat na huwag nang gamitin ang pangalan ng Panginoong Diyos – “… so help me God.” – sa oath-taking ng mga opisyales ng pamahalaan lalo na ang mga politiko na bagong uupo sa puwesto. May iba pang partido pulitikal na ipinagyayabang na ang isang kwalipikasyon na hinahanap nila sa mga kandidato nila ay “must be God-fearing” o may takot sa Diyos. May mga seremonyas pa ng pray-over.

Pero sa nagaganap ngayon na malawak na dekwatan sa pondo ng pamahalaan, lumalabas na marami ang walang paggalang sa Panginoong Diyos. Ang ika-pitong utos ng Diyos: “Huwag kang magnakaw”. Binalahura na ang kanilang sinabi noong panunumpa nila sa katungkulan. Idinamay pa ang sagradong pangalan ng ating Diyos.

Kasumpa-sumpa kayo!

2

Related posts

Leave a Comment