7 PATAY SA LANDSLIDE SA DAVAO REGION

PITO katao, kabilang ang isang buntis, ang nasawi sa magkahiwalay na landslide sa Mati City, Davao Oriental at sa Monkayo, Davao de Oro bunsod ng tuloy-tuloy na pag-ulan, ayon sa ulat na nakarating sa Office of Civil Defense.

Sa Mati City, agad rumesponde ang Bureau of Fire Protection (BFP)–Mati City Fire Station katuwang ang CDRRMO sa pagguho ng lupa sa Purok Matingo, Upper Salazar, Barangay Central.

Ayon kay Acting City Fire Marshal FSI Elizabeth D. Capiña, nahukay mula sa guho ang bangkay ng isang lalaki, isang buntis at dalawang batang babae.

Sinabi ni Senior Fire Officer 2 Andro S. Logatiman na naging delikado at mahirap ang retrieval operations dahil sa posibilidad ng panibagong landslide habang lumalambot ang lupa sa walang tigil na ulan.

Sa Monkayo, tatlong miyembro ng isang pamilya ang nalibing nang buhay matapos tamaan ng landslide ang kanilang bahay sa Barangay Rizal.

Kinilala ang mga nasawi na sina Rayjune Remedio, 31; Rayjune Jr., 12; at Clipper Kent, 7. Nakaligtas ang ina ng pamilya dahil nasa labas siya ng bahay nang mangyari ang insidente.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang pinagsamang epekto ng northeast monsoon, easterlies at shear line ang nagdala ng matinding pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.

(JESSE RUIZ)

11

Related posts

Leave a Comment