71-anyos pinag-eksperimentuhan? BAKUNAHAN SA ANTIPOLO INIREKLAMO

covid

ANTIPOLO CITY – Nangangamba ang isang 71-anyos na lolo na tila umano ginawang experiment dahil sa magkaibang COVID-19 vaccines na itinurok sa kanya sa lungsod na ito.

Sa FB post, sinabi ni Anatalio Aregada, una siyang tinurukan ng Moderna noong Agosto at nitong nakalipas na buwan ay nakatanggap siya ng 2nd dose ng Sinovac CoronaVac vaccine.

Ani Aregada, natakot siya sa magkaibang brand ng vaccine kaya siya nagtanong sa vaccinator.

“May tinawagan, lumapit sa akin ang doctor, parang pinalakas ang loob ko, sinabing ‘Okay lang ‘yan, sa ibang bansa nagamit na ‘yan,'” lahad ni Aregada.

“Sa loob-loob ko, baka ginawa ninyo akong experiment, kaya ‘yun ang nasa isip ko e,” dagdag nito.

Ayon pa kay Aregada, nais nitong malaman sa Department of Health (DOH) kung tama ang itinurok sa kanya na magkaibang bakuna sa COVID-19.

Aniya, nangalay at nanigas ang kanyang kanang kamay nang maturukan siya ng Sinovac.

Nilinaw naman ng Antipolo government na ang ‘mixing’ ng magkaibang brand ng vaccine ay hindi polisiya ng DOH.

Ayon kay Erilito Bernardo Jr., miyembro ng Local Disaster Risk Reduction Management ng Antipolo City, hindi ito pwede at hangga’t maaari ay iniiwasan nila ang ganito at sumusunod sila sa polisiya ng DOH.

“Kung may pagkukulang, sila po ay bibigyan ng karapatang aksyon,” ayon kay Bernardo.

Sa ngayon, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Antipolo City Health Office sa kaso ni Aregada, ayon kay Bernardo. (KNOTS ALFORTE)

111

Related posts

Leave a Comment