71% NG PINOY UMAASANG MAY MAKUKULONG SA MGA SANGKOT SA FC SCANDAL

NASA tatlo ng apat na bahagi ng populasyon o 71 percent ng mga Pinoy ang umaasang may maparurusahan at makukulong sa hanay ng mga korap na politiko at kanilang mga kasabwat sa multi billion flood control corruption scandal, ayon sa inilabas na pag-aaral ng Pulse Asia kahapon.

Sa nasabing pag-aaral, halos lahat ng mga Pilipino o 90 porsyento ang naniniwala na may sabwatan sa pagitan ng executive officials, mga mambabatas at mga pribadong contractors sa usapin ng multibillion-peso flood control anomaly.

Base rin sa isinagawang survey ng Pulse Asia, halos lahat ng mga Pilipino ay naniniwalang talamak na ang korupsyon sa gobyerno at pangkaraniwan nang bahagi ng Philippine politics ang pagnanakaw.

Umaasa naman ang marami na ang resulta ng opinion polls ay magtutulak para mapuwersa ang gobyerno na magsagawa ng matinong imbestigasyon at pananagutin ang lahat ng mga sangkot sa pagnanakaw.

Una nang kumalat ang ulat, base sa naunang survey na karamihan sa mga Pilipino ay duda sa pagsisikap ng pamahalaan na mawakasan ang graft and corruption.

Inilabas ang resulta ng pag-aaral sa gitna ng malakas na panawagan ng sambayanan sa pamahalaan na arestuhin, ipakulong ang corrupt personalities at ipasoli sa kanila ang mga ninakaw na pera sa pamamagitan ng flood control.

Alanganin naman ang tugon ng halos kalahati ng mga tinanong sa nasabing pollster kung tiwala ba sila sa binuong Independent Commission for Infrastructure na magagampanan nila ang kanilang mandato o mapapanagot ang lahat ng sangkot sa katiwalian.

Bunsod ng nasabing isyu sa flood control ay isa umano ito sa itinuturing na dahilan sa pagbaba sa trust rating ni Pangulong Marcos, ayon sa Pulse Asia at maging sa Social Weather Station.

Sa inilunsad na pag-aaral ng SWS, lumilitaw umano na bumaba ng limang punto o 43 percent ang trust rating ng pangulo nitong buwan ng Setyembre mula sa 48 percent trust rating na nakuha niya noong Hunyo.

Subalit minaliit lamang ito ng Malacañang dahil tuloy-tuloy lamang umano ang pagtatrabaho ng Chief Executive laban sa korupsyon sinoman ang tamaan at wala siyang paki sa numero.

“Ang Pangulong Marcos, Jr. ay nakikita natin na tunay na nagtatrabaho at kumakalaban sa korupsyon, walang humpay para umangat ang buhay ng bawat Pilipino sa gitna ng mga kalamidad na kinakaharap natin,” pahayag ni Communications Undersecretary Claire Castro.

“Hindi man niya alintana ang numero sa mga survey, ikinalulugod niya na nararamdaman na ng mga kababayan natin na ang pangulo at ang gobyerno ay nandyan para sa kanila,” ayon sa tagapagsalita.

Nabatid na hindi lamang si PBBM ang bumaba ang trust rating dahil maging si Pangalawang Pangulo Sara Duterte ay bumaba ang tiwala ng publiko batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS) nitong Setyembre 2025.

Sa survey na inutos ng Stratbase, nakakuha si Marcos ng 43% “much trust”, mula sa 48% noong Hunyo. May 36% na nagsabing “little trust” at 21% na undecided.

Si Duterte naman ay may 53% “much trust”, bumaba mula 61% noong Hunyo; 28% ang may “little trust” at 18% ang undecided.

Isinagawa ang survey mula Setyembre 24 hanggang 30 sa 1,500 respondents sa buong bansa, may ±3% margin of error.

(JESSE RUIZ)

61

Related posts

Leave a Comment