725 PAMILYA HOMELESS SA SUNOG SA TONDO

UMABOT sa 725 pamilya ang nawalan ng tirahan makaraan ang mahigit pitong oras na sunog na sumiklab sa Building 13 hanggang sa kumalat sa mga barong-barong sa Aroma Compound, Happy Land, Mel Lopez Boulevard, Barangay 105, Tondo, Manila noong Miyerkoles ng umaga.

Ayon sa ulat, nagsimula ang sunog bandang alas-9:50 ng umaga at dakong alas-12:53 ng hapon nang ideklarang fire under control.

Mabilis namang nagresponde ang mga bumbero upang maapula ang apoy, at ang mga tauhan ng Manila Police District, partikular ang mga tauhan ng Raxabago Police Station 1, upang magbantay ng seguridad sa lugar.

Nabatid na gumamit ng tatlong helicopter upang mabuhusan ng tubig ang nasusunog na lugar.

Umakyat ang insidente sa Task Force Charlie, ayon kay Fire Senior Supt. Maria Victoria Brual, Assistant Regional Director for Operation – National Capital Region Bureau of Fire Protection.

Ang bahagi ng Mel Lopez Boulevard na dating Road 10 sa southbound lane at northbound lane ay parehong hindi na madaanan ng mga sasakyan dahil sa mga truck ng bumbero.

Kasama rin sa nagresponde sa insidente ang mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), Manila Department of Social Welfare and Development at Manila Health Department.

Samantala, biglang bumuhos ang malakas na ulan na ipinagpasalamat ng mga bumbero dahil nakatulong ito upang tuluyang maapula ang sunog.

Dakong alas-4:21 ng hapon nang ideklara ng BFP na fire-out na ang sunog.

(RENE CRISOSTOMO)

187

Related posts

Leave a Comment