AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
KUNG talagang seryoso ang administrasyong ni Marcos Jr. sa kampanya laban sa korupsyon ay dapat sa loob mismo ng Malacañang niya ito simulan.
Ito ay ayon sa panawagan ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña matapos kontrahin ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang ideya ng pagpapalabas ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga opisyal ng gobyerno.
Ayon pa kay Cendaña, tila inaalisan ng sandata ang taumbayan sa laban kontra katiwalian, ang posisyon ni Bersamin.
Sinabi pa niya na ito ang sandata laban sa katiwalian at kalasag sa pangungurakot. Pero ipinagkakait ito ni Bersamin—taliwas sa sinasabi ng Pangulo na gusto niyang mapanagot ang mga tiwali.
Binanggit pa niya, kung seryoso ang administrasyon sa pagkuha ng tiwala ng publiko, dapat magsimula ito sa sariling hanay.
Tinawag naman ni Kamanggagawa Party-list Rep. Elijah “Eli” San Fernando na “hypocritical and evasive” ang pahayag ni Bersamin.
“Kung wala kayong tinatago, bakit natatakot ipakita ang SALN? Transparency daw pero ayaw magpasilip—’yan ang tunay na security threat sa bansa,” ayon pa sa mambabatas.
Aniya, luma na ang dahilan ng mga opisyal na ayaw magpasilip ng yaman na “baka magamit sa pulitika.”
“Ang SALN ay hindi pampulitika—ito ay batayang dokumento ng pananagutan. Ginawa ito para protektahan ang mamamayan laban sa korupsyon, hindi para protektahan ang mga opisyal sa kahihiyan,” pahayag pa niya.
Kung ganyan ang patakaran ng Malacañang, hindi totoo ang laban nila sa korupsyon, maaaring pulitika lamang ito at para pahupain ang galit ng taumbayan sa kasalukuyang administrasyon.
Sukang-suka na ang publiko sa matinding korupsyon na kinasasangkutan ng mga mambabatas pa man din, sila ang gumagawa ng batas, sila pa ang hindi tumutupad dito. Exempted ba sila sa kaparusahan dahil mga mambabatas sila?
Ultimo mga SALN ninyo ayaw nyong ipakita, bakit may itinatago ba kayo?
Kung hindi nanggagaling sa buwis ng taumbayan ang inyong mga ginagastos sa inyong mga opisina na pinamumunuan ninyo, ay wala kaming pakialam sa inyong mga SALN.
Sa ayaw at sa gusto n’yo kailangan n’yong maging tapat sa taumbayan kung saan niyo dinadala ang pondo ng gobyerno. MAHIYA NAMAN KAYO!
Pakiramdam n’yo kayo ang mga amo namin dahil mga nasa gobyerno kayo, baliktad ata.
‘Wag n’yong ubusin ang pasensya ng mga Pilipino!
o0o
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.
12
