8 nagpakilalang taga-media ARESTADO SA EXTORTION

CAMP VICENTE LIM, Laguna- Timbog ang walong nagpakilalang kagawad ng media matapos umanong mangikil sa peryahan sa lalawigang ito.

Ayon kay Laguna Police Provincial Director Col. Cecilio R. Ison Jr., natukoy ang mga suspek sa pangalang Anne Cortez, 32; Theresa Dela Cruz Regaza, 27; Eric Florez Floro, 32; Efren Dela Cruz Regaza, 22; Rosemarie Malazarte, 53; Benjamin Olino Javier Jr., 60, pawang residente ng Rodriguez, Rizal; Christopher Angeles Yu, 47 at Rodamy Llamazares Prado, 27-anyos.

Sa ulat ng Calamba City Police Station, humingi ng tulong sa mga otoridad ang may-ari ng peryahan na si Jinggoy M Cahanap, 34, matapos umano siyang pwersahang hingan ng pera ng mga nabanggit.

Sa reklamo ni Cahanap, ala-1:30 ng madaling araw nitong Lunes nang abangan siya ng mga suspek sa checkpoint sa Purok 1, Brgy. Paciano, Calamba upang hingan ng halagang P8,000 bilang proteksyon umano sa kanyang negosyo.

Nanakot pa umano ang mga suspek na ipasasara ang peryahan kapag hindi nagbigay ng ng lingguhang protection money si Cahanap.

Tumangging magbigay ang biktima dahil 2,000 piso lamang ang kaya niyang ibigay. Kasunod nito, dumulog sa pulisya si Cahanap na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Nagpaalala naman si Calabarzon Regional Director PBGen Antonio C Yarra laban sa mga mapagsamantala.

“Hindi natin tino-tolerate ang mga modus operandi ng mga personalities katulad nito. Additionally, ang mga programs ng PNP katulad ng E-sumbong at PNP info text at mga hotlines ay para sa mga legitimate complaints o concerns ng ating mga kababayan na humihingi ng tulong pangseguridad, huwag itong gamitin ng kung sino man para kumita; otherwise, the law shall pursue you,” aniya. (CYRILL QUILO)

1092

Related posts

Leave a Comment