QUEZON – Sinampahan ng kaso ang walong indibidwal na may kinalaman umano sa pagpatay sa dating mayor ng bayan ng Pagbilao sa lalawigang ito, na binaril noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Kasama ang kanyang abogado, mismong si Pagbilao Mayor Shierre Ann Portes-Palicpic, anak ng biktima, ang nagsampa ng kaso noong Martes sa Regional Trial Court sa lungsod ng Lucena.
Kabilang sa mga sinampahan ng kaso ang dalawang kaanak ng nakalaban nito sa halalan noong nakaraang 2019 election na parehong taga bayan ng Pagbilao.
Kasama rin sa mga kinasuhan ang isang babae na taga Marikina City at dalawang lalaki na mga taga Pasig City at Antipolo City.
Magugunitang ang 73-anyos na dating alkaldeng si Romeo Portes ay malapitang binaril ng riding in tandem suspects noong Nobyembre 24 habang nakaupo sa harap ng kanyang tindahan.
Makalipas ang mahigit isang linggo, pumanaw ang dating alkalde habang nakaratay sa isang ospital sa Metro Manila.
Ayon kay Palicpic, muli sanang nagbabalak tumakbo sa pagka-alkalde ang kanyang tatay sa pagtatapos ng kanyang termino sa susunod na taon. (NILOU DEL CARMEN)
159
