TARGET ng Department of Social Welfare and Development na sa katapusan ng Hulyo ay maka-80 percent na sila ng payout sa Social Amelioration Program dahil ang 20 percent ay sasailalim sa cross checking.
TINATAYANG umabot na sa mahigit 1.5 milyong benepisaryo ang nabigyan ng ayuda sa ilalim ng ikalawang bugso ng SAP ng gobyerno.
Sa Laging Handa public briefing ay sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista na tuloy-tuloy ang pamimigay ng ayuda sa mga susunod na araw.
Inamin nito na nagkaroon lamang ng delay sa pamamahagi ng SAP aid dahil hinintay ng ahensya ang liquidation report ng mga local government unit (LGU) at nagsagawa rin sila ng validation.
Aniya pa, inuna nilang bigyan ang ilang bahagi ng National Capital Region (NCR) sa pamamagitan ng online payment habang idinaan naman sa manual payment ang pamamahagi sa ilang rehiyon.
Sa kasalukuyan, hindi pa sila nanghihingi ng karagdagang budget sa Department of Budget and Management (DBM) dahil sapat pa ang kanilang pondo. (CHRISTIAN DALE)
