89 PB NA KORAP SA SAP, 6-BUWANG SUSPENDIDO

NAGDESISYON ang Office of the Ombudsman na suspendihin ang 89 punong barangay (PB) dahil matibay at malakas ang katibayan sa mga “anomalya” at “iregularidad” na nagawa nila sa unang bugso ng Social Amelioration Program (SAP) ng administrasyong Duterte.

Ayon sa Office of the Ombudsman, nakabatay sa Republic Act 6770 ang anim na buwang “preventive suspension” laban sa 89 PB.

Sa utos na inilabas ng Office of the Ombudsman nitong Setyembre 2, inihayag ni Ombudsman Samuel Martires na: “the evidence on record shows that the guilt of these punong barangays is strong and the charges against them involve Serious Dishonesty, Grave Misconduct, Abuse of Authority and Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service which may warrant removal from the service.”

Ang desisyon ni Martires ay resulta ng mga kasong isinampa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Office of the Ombudsman makaraang makuha ng kagawaran ang malakas, matibay at sapat na mga katibayan laban sa mga PB na nangurakot umano sa pondo ng SAP.

Ang pondo ng SAP ay ayudang pinansiyal ng pamahalaan para sa mga pinakamahihirap na pamilyang Filipino sa iba’t ibang panig ng bansa.

Tumulong ang DILG, kasama ang mahigit 42,000 barangay sa bansa, upang maipamigay ang P5,000 hanggang P8,000 sa bawat bahay ng 18 milyong barangay na tinitirhan ng sobrang mahihirap na mga pamilyang Filipino.

Tiniyak naman ni DILG Secretary Eduardo Año na agad ipatutupad ng iba’t ibang pangrehiyong sangay ng kagawaran ang desisyon ng Office of the Ombudsman.

Pinasalamatan ng kalihim si Martires dahil sa mabilis na aksyon nito sa mga kaso laban sa 89 PB. (NELSON S. BADILLA)

159

Related posts

Leave a Comment