9 drug lords, 20 iba pa namatay sa loob ng isang buwan? ‘MULTO’ SA BILIBID PALULUTANGIN

LALONG umiingay ang nabunyag na pagkamatay ng ilang high profile inmates sa National Bilibid Prison (NBP) dulot ng mga pagdududang bumabalot sa kontrobersya kaya itinutulak ang mabusising paghimay rito sa mabababa at mataas na kapulungan ng Kongreso.

Diumano, umaabot sa 29 inmates o People Deprived with Liberty (PDLs) ang namatay sa COVID-19 sa nakalipas na mahigit isa’t kalahating buwan base sa kumalat na listahan, na kinabibilangan ng high profile inmates tulad ni Jaybee Sebastian at ilang Chinese drug lords.

Base sa dokumento na nakuha ng mga mamamahayag, naitala umano ang unang dalawang casualty sa COVID-19 sa NBP noong Mayo 30 at 31, 2020.

Kinabukasan, Hunyo 1, 2020 at sa loob ng buwang ito ay umaabot sa 22 PDLs na ang namatay umano sa COVID-19 at lima naman ngayong buwan ng Hulyo na kinabibilangan ni Sebastian na namatay umano noong Hulyo 18. 2020.

Labis itong ipinagtaka ni ACT-CIS party-list Rep. Nina Taduran dahil sa sunod-sunod na pagkamatay ng mga PDL dahil sa nasabing virus at lalong hindi nito matanggap na itinago ito ng Bureau of Corrections (BuCor) dahil umano sa Data Privacy Act.

“All avenues must be explored in the interest of transparency. It is alarming that high-profile inmates have been dying allegedly due to COVID-19 since May and we have been kept in the dark until a newspaper reported Jaybee Sebastian’s death and cremation.

“Kahit para na lang sa kapakanan ng pamilya ng mga bilanggong ito, hindi ba dapat ipinapaalam sa kanila ang kalagayan ng kalusugan ng kanilang kapamilyang nakabilanggo para nasusubaybayan din nila ang nangyayari rito? Bakit ang asawa ni Jaybee Sebastian, gulat na gulat sa pangyayari?” tanong pa ni Taduran.

Maging si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ay nakakaamoy ng hindi maganda sa nangyayari s Bilibid kaya magpapatawag ito ng imbestigasyon para alamin ang mga ‘multo sa Bilibid”.

“There seems to be something off with the supposed deaths of nine (9) drug lords, among them Jaybee Sebastian, who was convicted of kidnapping-for-ransom and carjacking in 2009. Is it mere coincidence that major drug lords just supposedly died at around the same time of COVID-19 with no autopsy nor witnesses to prove that they really died because their bodies were supposedly cremated immediately,” ani Zarate.

Isasabay din umano sa imbestigasyon ang kahina-hinalang pagkamatay ng jailguard na si Corrections Officer 1 (CO1) Edmund Molina sa loob mismo ng NBP noong Miyerkoles ng gabi.

Base umano sa report, ang 29-anyos na si Molina ay natagpuang may tama ng bala sa ulo na hindi umano dapat ipagwalang bahala lang.

“In the midst of this pandemic and the previous controversies hounding our penal institutions, transparency and accountability require that the cause of death of these high profile and controversial inmates be fully established beyond the say so of jail officials or crematorium personnel,” ani Zarate. (BERNARD TAGUINOD)

PROOF OF DEATH

Mistulang hinamon naman ni Senador Ralph Recto ang Bureau of Corrections (BuCor) na maglabas ng proof of death ng mga high profile prisoner partikular ni Jaybee Sebastian na namatay sa COVID 19.

Sinabi ni Recto na maaaring gamiting proof of death ang larawan ng namatay na kailangan lamang ipakita kay Justice Secretary Menardo Guevarra.

“Simply show the photo to the Justice Secretary, and if he says that he had seen it, and swears that it is true, then the public can take his word for it,” pahayag ni Recto.

Maaari rin anyang iprisinta sa publiko ang CCTV footage ng katawan na inilalabas sa kulungan na imposible anyang wala dahil kinakailangang mayroong survillance camera sa kulungan.

“Hindi ba’t SOP na pagdating ng preso sa Bilibid ay kinukunan kaagad siya ng litrato para sa kanyang record? Kung mayroong picture sa first entry, siguro naman mayroon sa final exit, when an inmate leaves the prison for good, whether he walks out a free man, or is carried out horizontally,” diin pa ni Recto.

Samantala, muling nagpahayag ng pangamba sa ulat ng pagkamatay ng mga detainee sa NBP dahil sa COVID 19 si Senador Franklin Drilon.

“Unang-una, natatakot ako rito. Hindi mo alam kung ano ang nangyayari. Given the history of BuCor, talagang nakakatakot ito,” diin ni Drilon.

Nilinaw din ng dating Justice Secretary na hindi kasama sa sinasabing sensitive personal information sa data privacy act ang kamatayan at katunayan ang death certificate anya ay isang public document.

SINOPLA

Nasupalpal naman si Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag nang manindigan ang National Privacy Commission (NPC) na hindi applicable sa ilalim ng Data Privacy Act ang impormasyon hinggil sa public figure tulad ng high-profile inmate na si Jaybee Sebastian.

Tugon ito ng ahensya matapos tumanggi si Bantag na kumpirmahin ang kamatayan ni Sebastian.

Ayon kay NPC Commissioner Raymund Liboro, hindi maaaring gamitin ang Data Privacy Act lalo na kung public figure ang isang indibidwal.

Hindi ginagamit ang naturang batas para harangin ang ‘right-to-know’ ng publiko.

Sinabi ni Liboro na interes ng publiko ang nangyari kay Sebastian dahil sa pagkakasangkot nito sa mga isyu na batid na ng publiko. Si Sebastian ay isa sa mga tumestigo laban kay Sen. Leila De lima sa kasong illegal drug trade. (BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA/DAVE MEDINA)

195

Related posts

Leave a Comment