9 LOKAL NA TERORISTA SUMUKO SA GOBYERNO

CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Siyam na dating miyembro ng lokal na teroristang grupo ang pormal na nagbalik-loob sa pamahalaan at tumanggap ng tulong pangkabuhayan noong Miyerkoles ng umaga sa himpilan ng 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion sa Brgy. Kabengi, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.

Ayon kay Lt. Col. Loqui O. Marco, Battalion Commander ng 90IB, bukod sa livelihood program, tumanggap din ang dating ekstremistang grupo ng cash assistance at tig-isang sako ng bigas mula sa mga lokal na pamahalaan ng Maguindanao del Sur at DOLE Region XII.

Iprinisinta ni Lt. Col. Marco ang mga dating violent extremist kay Brig. Gen. Edgar L. Catu, pinuno ng 601st Brigade, sa isang maikling seremonya, kung saan sabay na isinuko ng mga ito ang kanilang mga kagamitang pandigma. Kabilang sa mga ito ang isang M14 rifle, dalawang M4 rifles, isang M16 rifle, dalawang cal. .50 Barrett, isang M203 grenade launcher, isang M1 Garand rifle, at isang M1 Carbine rifle.

Dumalo rin sa presentasyon sina Lt. Col. Roden Orbon ng 6th Civil-Military Operations Battalion at tagapagsalita ng 6ID; P/Col. Sinsuat ng MDS PPO; P/Lt. Col. Abreu ng 4th Special Action Battalion, PNP; Police Major Zamora, hepe ng Ampatuan Municipal Police Station; at Engr. Romerico P. Carrasco, Head Supervisor ng DOLE XII.

Ayon kay Engr. Carrasco, isasailalim sa livelihood program ang mga dating miyembro ng extremist group, sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD Project ng DOLE XII.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Brig. Gen. Catu sa suporta ng mga lokal na ahensya ng pamahalaan at mamamayan sa kampanya laban sa loose firearms at pagbabalik-loob ng mga dating rebelde.

“Ang kapayapaan ay responsibilidad ng bawat isang miyembro ng lipunan. Ang matagumpay na pagbabalik loob ng mga dating rebelde ay bahagi ng kanilang pagtahak sa tamang landas.

Iparating ninyo sa inyong mga kasamahan ang tinatamasa n’yo ngayong seguridad at kapayapaan kapiling ang inyong mga mahal sa buhay,” dagdag pa ni Brig. Gen. Catu.

Samantala, ayon kay Major General Donald M. Gumiran, commander ng 6ID at JTFC na ang pagbabalik-loob ay patunay na may pag-asa sa kapayapaan at pagbabago.

“Sa pamamagitan ng mga programang hatid ng pamahalaan, binibigyan natin sila ng pagkakataong mamuhay muli nang marangal—malaya sa karahasan at may pag-asang makapagsimula para sa kanilang sarili at pamilya. Patuloy tayong nananawagan sa mga kababayan nating patuloy sa pagtahak sa maling landas, na ang inyong kasundaluhan ay bukas para kayo ay tanggapin at suportahan sa inyong napipintong pagbabalik-loob at maging bahagi ng mapayapang pagbabago sa ating rehiyon.”

(JESSE KABEL RUIZ)

38

Related posts

Leave a Comment