BATANGAS – Isang fishing vessel na may sakay na 13 tripulante ang lumubog sa karagatang sakop ng bayan ng Calatagan sa lalawigang ito, noong Linggo ng hapon.
Ayon sa Philippine Coast Guard Station (PCGS)-Batangas, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa Agutaya police station sa Cuyo Group of Island sa Palawan, na may lumubog na sasakyang pandagat sa bisinidad ng Batangas.
Agad nagresponde ang mga tauhan ng PCG Batangas at napag-alaman na isang fishing boat na may pangalang Anita DJ II na pag-aari ng IRMA Fishing company, ang lumubog sa karagatan, mahigit dalawang milya ang layo mula sa baybayin ng Cape Santiago, Barangay Bagong Silang, sa Calatagan.
Galing sa Navotas Port ang fishing vessel at patungo sa Palawan nang ito ay lumubog matapos hambalusin ng malalaking alon dulot ng malakas na hanging habagat.
Agad naglunsad ng rescue operation ng PCG at nasagip ang 13 sakay nito na dinala sa Coast Guard substation sa Calatagan.
Agad ding nakipag-ugnayan ang PCG sa Calatagan MDRRMO para sa posibleng oil spill matapos malaman na may karga ang barko na 400 liters ng lube oil at 70,000 litro ng diesel.
(NILOU DEL CARMEN)
273