BARKO NASUNOG; 3 CREW SUGATAN, 92 PASAHERO NASAGIP

SURIGAO DEL NORTE – Tatlong crew ang sugatan habang 92 katao ang nailigtas nang masunog ang isang pampasaherong barko.

Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG), mabilis silang tumugon sa nasunog na MV Maria Felisa na naglalayag mula Port of Benit, San Ricardo Southern Leyte patungong Lipata Port, Surigao City sa lalawigan.

Dumanas ng minor injuries ang tatlong crew dahil sa first-degree burns. Dalawa rito ang parehong dinala sa Caraga Regional Hospital habang tumanggi namang magpa-ospital ang isa pa kaya binigyan na lamang ng first aid ng CDRRMO.

Ayon sa PCG, nakatanggap ng ulat ang PCG na nagkaroon ng sunog sa engine compartment ng MV Maria Felisa habang nasa karagatan ng Surigao Strait.

Naapula ng crew ng barko ang sunog ngunit huminto ang operasyon sa humigit-kumulang 0.85 nautical miles mula sa Bilao Point, Barangay Punta Bilar, Surigao City.

Agad na tumugon ang PCG upang magbigay ng tulong, at nagbigay rin ng suporta ang MV Binibining Liloan, isang sister ship ng MV Maria Felisa.

Nag-deploy ang PCG ng floating assets upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at crew. Isinagawa ng MV Maria Vanessa ang ship-side towing ng MV Maria Felisa patungong Lipata Port, na ineskortan ng PCG para sa kaligtasan ng parehong barko.

Ligtas namang nakarating ag mga barko sa Lipata Port kung saan ligtas na nakababa ang 92 pasahero.

Sinuri sila ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng Surigao City, sa tulong ng PNP Maritime Group at Bureau of Fire Protection.

Ayon sa master ng barko, umalis ang MV Maria Felisa sa Port of Benit bandang alas-12:20 ng hapon noong Pebrero 1 patungong Lipata Port. Bandang 1:30 ng hapon, natuklasan ng crew ang sunog sa engine room at agad na isinagawa ang firefighting procedures upang hindi kumalat ang apoy.

Batay sa CCTV review, ang sunog ay nagsimula sa mataas na temperatura ng lube oil filter na nagdulot ng overheating sa makina.

Nakipag-ugnayan na ang PCG sa Maritime Industry Authority para sa kaukulang imbestigasyon at aksyon.

(JOCELYN DOMENDEN)

11

Related posts

Leave a Comment