UMABOT sa 9,000 piraso ng buhay na manok ang ipinamahagi nang libre ng isang pribadong kumpanya para sa mga residente ng Barangay Bahay Pare sa Candaba, Pampanga para magamit na panghanda sa pagdiriwang ng kapistahan noong Setyembre 24, 2023.
Tatlong truck ng buhay na manok na nagkakahalaga ng halos P2-million, ang ipinamigay nang libre ng mag-asawang tinaguriang ‘Good Samaritan’ na sina Engr. Danilo Baylon at Apo Aniway Baylon para sa 4,500 pamilya na pandagdag sa handa para sa pagdiriwang ng kapistahan ng Parokya ng Nuestra Señora Dela Merced sa nasabing bayan.
Ang mag-asawang Samaritano ang may-ari ng Dan Way Processing Corporation na mayroong iba pang sangay sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Ayon kay Engr. Baylon, bawat pamilya ay nakatanggap ng tig-2 manok at bukod pa rito ang pinamigay rin na mga itlog at cash na pandagdag na pambili ng sahog.
Labis ang tuwa at pasasalamat ng mga residente ng Barangay Bahay Pare sa natanggap na dagdag panghanda sa kanilang Pista ng Patron ng Nuestra Señora Dela Merced.
Si Baylon ay dating alkalde sa bayan ng Candaba, noong taong 2016-2019, na kauna-unahan sa kasaysayan ng Candaba, na may isang mayor na ipinahinto ang lahat ng uri ng mga pasugalan sa lugar.
(ELOISA SILVERIO)
