INUTOS na ang pansamantalang paglilipat sa puwesto sa 2,956 tauhan ng Philippine National Police na may mga kamag-anak na kandidato sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief, Police General Benjamin Acorda Jr., layunin ng paglilipat ng assignment ng mga pulis na may kaanak na tatakbo sa nalalapit na halalan, na matiyak na magiging patas ang isasagawang botohan
Kinumpirma ni PNP Spokesman Col. Jean Fajardo, naglabas na ng kautusan si General Acorda para sa 2,956 PNP personnel na napasama sa ipinatupad na reassignment base sa kanilang 4th degree consanguinity o affinity sa mga kakandidatong Barangay at Sangguniang Kabataan aspirants.
Paliwanag ni Col. Fajardo, layon nito na maiwasang maimpluwensyahan ang resulta ng eleksyon at walang pulis ang dapat masangkot sa partisan politics.
Magugunitang nauna nang ni-recall ng PNP ang 679 security personnel nito upang maiwasan ang familiarity sa pagitan ng pulisya, pulitiko at government officials dahil posibleng magkaroon ng impluwensya sa nalalapit na BSKE.
Nabatid na bago naglabas ng kanyang direktiba ay ipinabusisi ni Acorda ang personnel records ng kanyang mga tauhan at dito natukoy na mayroong 2,956 PNP personnel ang may kamag-anak na kandidato.
“These personnel have been issued reassignment orders to prevent any undue influence or compromise of the electoral process. They will be reassigned to non-election-related duties until the elections conclude,” ayon pa sa PNP.
“To uphold the trust of the people, it is crucial that we act with utmost integrity, neutrality, and dedication to the law,” dagdag pa ni Acorda.
Ang reassignment o detail ng PNP personnel ay hindi pinahihintulutan mula Agosto 28 hanggang Nobyembre 29, 2023 subalit nakipag-ugnayan na ang PNP sa Commission on Elections (COMELEC) kaugnay sa hinaharap na future reassignments.
(JESSE KABEL RUIZ)
