GURO PATAY SA PAMAMARIL SA BULACAN

PATAY ang isang 38-anyos na guro at dating barangay secretary matapos pagbabarilin sa harap ng kanyang bahay sa Barangay Poblacion, Sta. Maria, Bulacan, madaling araw ng Hulyo 30.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Stephen Gelo Enriquez, residente ng No. 10, 211st Century St., Ville, Brgy. Poblacion, Sta. Maria.

Batay sa paunang imbestigasyon, bandang alas-12:30 ng madaling araw nang barilin ang biktima ng isang hindi pa nakikilalang suspek na nakasuot ng puting bull cap.

Ayon sa ulat ng pulisya, nasa loob ng kanilang bahay ang kapatid ng biktima na si Jam Enriquez Santo Domingo nang makarinig ito ng putok ng baril at kasunod na sigaw ng biktima na humihingi ng tulong.

Paglabas nito, nakita niyang duguan ang biktima dahil sa tama ng bala kaya agad itong isinugod sa Bocaue Specialist Hospital para magamot.

Gayunman, binawian din ng buhay ang biktima makalipas ang ilang oras.

Nabatid na si Enriquez ay dating barangay secretary at kasalukuyang campaign manager ng isang kandidato sa pagka-barangay captain para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2026.

Agad namang nagsagawa ng massive manhunt operation ang Sta. Maria Municipal Police Station (MPS) kasunod ng insidente.

Sinimulan na rin ng mga imbestigador ang pag-backtrack sa mga CCTV footage sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng suspek.

Nakipag-ugnayan din ang investigator-on-case sa Bulacan Tactical Operations Center (TOC) para sa pag-activate ng Bulacan Shield Alpha upang mapalakas ang operasyon sa pagtugis sa suspek.

Inatasan ni PLTCOL Mark Louie Sigua, hepe ng Sta. Maria MPS, ang lahat ng kinauukulang yunit na gawin ang lahat ng hakbang upang matukoy at maaresto ang salarin habang isinasagawa ang masusing imbestigasyon.

“Tinitiyak namin sa publiko na ang Sta. Maria MPS ay lubos na nakatuon sa pagbibigay ng hustisya. Hinihikayat namin ang sinumang nakasaksi sa insidente o may impormasyon na makakatulong sa imbestigasyon na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya,” ani Sigua.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa pamamaril at ang iba pang posibleng lead sa kaso.

(ELOISA SILVERIO)

44

Related posts

Leave a Comment