INIHAYAG ng pamunuan ng Philippine National Police na mananatiling naka-full alert ang buong pwersa ng pulisya sa buong bansa bagama’t tapos na ang ginanap na Barangay at Sangguniang Kabataan Election noong Lunes.
Ito ay bilang paghahanda at pagtiyak na magiging maayos at mapayapa ang paggunita ng sambayanang Pilipino sa Todos Los Santos, ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo.
Inihayag ni P/Col. Jean Fajardo, hindi na sila magbababa ng antas ng alerto upang masiguro na magiging peaceful and orderly ang long weekend ng sambayanan lalo na ang mga umuwi sa mga lalawigan para roon sa gunitain ang yumao nilang mga mahal sa buhay.
Magugunitang simula noong Oktubre 28, dalawang araw bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023, ay nakataas na ang alerto ng PNP gayundin ang Armed Forces of the Philippines.
Mananatiling naka-alerto ang kanilang puwersa hanggang makabalik ang mga kababayan nating gumunita ng Undas sa kani-kanilang probinsya.
Sinabi pa ni Fajardo, mananatiling todo alerto ang mahigit 187,000 puwersa ng Pambansang Pulisya sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nilinaw naman ng tagapagsalita ng pambansang pulisya na pagkatapos ng Undas ay posibleng ibaba nila sa heightened alert ang kanilang status at muling magtataas ng alerto bago ang Pasko at Bagong Taon.
Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ng PNP ang kanilang mga tauhan na ipatutupad ang ‘no day off, no leave policy’ sa layuning masiguro na matagumpay na maidaraos ang magkakasunod na mga aktibidad sa bansa.
(JESSE KABEL RUIZ)
519