(BERNARD TAGUINOD)
PATULOY na namamayagpag ang mga kriminal sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Reaksyon ito ng dating journalist at Congressman Carlos Zarate kasunod ng pagpatay sa broadcaster na si Juan Jumalon a.k.a “DJ Johnny Walker” habang nasa ere ito noong linggo ng madaling araw.
“The brazen assassination today of Radio Broadcaster Juan Jumalon a.k.a DJ Johnny Walker is emblematic of impunity still running amuck in our country today,” ani Zarate.
Base sa mga video na kumalat sa social media, habang nagbo-broadcast si Jumalon sa kanyang radio program sa 94.7 Calamba Gold FM, sa kanyang bahay sa Calamba, Misamis Occidental ay pumasok ang isang armadong lalaki sa radio both at agad itong pinagbabaril at hinablot pa ang suot nitong kuwintas bago lumabas.
Ayon kay Zarate, wala nang takot ang mga kriminal ngayon dahil alam ng mga ito na hindi sila maparurusahan tulad noong nakaraang administrasyon kung saan nagkaroon aniya ng “kill, kill, kill” mentality.
“As we demand a swift justice for Jumalon and the other EJK victims, we also reiterate the call for accountability of the enablers of this condemnable bloody attacks against our people,” ayon pa kay Zarate.
Si Jumalon ang ikalawang mamamahayag na napatay ngayong taon at ikaapat sa ilalim ng administrasyon ni Marcos.
Kinondena rin ng liderato ng Kamara ang pagpatay kay Jumalon at inatasan ang mga awtoridad na gawin ang lahat upang maparusahan ang mga suspek at maging ang mga nag-utos sa mga ito, kung mayroon man.
“The freedom of the press is a cornerstone of our democracy. Every journalist deserves the right to exercise their profession without fearing for their safety or their lives. Any attack or violence against members of the media is unacceptable and deeply troubling. We must ensure that those responsible for these heinous acts are brought to justice,” ani House Speaker Martin Romualdez.
Pag-atake sa demokrasya
Maituturing namang pag-atake sa demokrasya ang panibagong insidente ng pagpatay sa isang mamamahayag sa Misamis Occidental, kahapon.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr kasabay ng kanyang pagkondena sa brutal na pagpaslang kay Radio Broadcaster Juan Jumalon habang siya ay nagpo-programa sa loob mismo ng kanyang tahanan.
Sinabi ni Revilla na ang anomang karahasan sa mga mamamahayag, ay karahasan laban sa ating demokrasya.
Kasabay nito, hinamon ni Revilla ang mga awtoridad na agad papanagutin ang mga nasa likod ng karahasan upang mabigyang katarungan ang biktima.
Samantala, inirekomenda ni Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri kay Pangulong Bongbong Marcos na bumuo ng task force para matutukan ang imbestigasyon sa karumal-dumal na pagpatay kay Jumalon.
Kasabay ito ng mariing pagkondena ng lider ng Senado sa panibagong kaso ng pagpatay sa mamamahayag sa bansa.
Pinatitiyak din ni Zubiri sa mga awtoridad na agad na arestuhin at kasuhan ang mga taong nasa likod ng pagpatay upang maigawad ang hustisya sa mamamahayag.
Iginiit ng senador na dapat gamitin ang full force of the law upang mapabilis ang pagresolba sa kaso.
Hindi naman inaalis ni Senador Robin Padilla ang anggulong pulitika at sindikato sa naganap na pagpatay.
Idinagdag pa ni Padilla na ang insidente ay patunay na dapat mas pag-ukulan ng pansin ang seguridad panloob ng bansa.
Si Jumalon ang ikalawang mamamahayag na napatay ngayong taon at ika-apat sa ilalim ng administrasyong Marcos.
(May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)
216