LEGALIDAD NG PAGHULI NG CIDG SA 5 KATAO SA SUGAL SA QC, KINUWESTIYON

KINUWESTYON ng isang abogado ang paghuli ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa apat katao na umano’y nagpapataya ng sugal sa Quezon City kahapon ng umaga.

Sa ulat, matapos mahuli sina Edna Molato, Mary Jane Garcia, Grace Camalto at Danilo Argarin, ay nagtungo si Atty. Romeo Gonzales sa Camp Karingal, Quezon City upang asikasuhin ang pagkakaaresto sa mga ito.

Pagdating umano ni Atty. Gonzales sa opisina ng CIDG sa Camp Karingal, QC ay hiningi nito ang affidavit of apprehension, blotter at iba pang mga dokumento sa mga operatibang umaresto sa kanyang mga kliyente para maayos ang mga ito.

Nadismaya si Atty. Gonzales sa tagal niyang naghintay hanggang inabot siya ng gabi ay wala siyang natanggap na kahit isang dokumento mula sa arresting officers.

Sa panayam ng SAKSI NGAYON kay Atty. Gonzales, nagtataka siya kung bakit hindi siya binigyan ng mga dokumento na kanyang hinihingi, gayung kinakailangan ang mga ito para maipagtanggol niya ang karapatan ng kanyang mga kliyente.

“Nagtataka ako bakit hindi nila ako (CIDG) binigyan ng mga dokumento na aking hinihingi, bilang isang abogado dapat lahat ng kinakailangan kong dokumento ay binigyan nila ako para maipagtanggol ko at masagot ko ang akusasyon laban sa aking mga kliyente,” dagdag pa ni Atty. Gonzales.

Nauna rito, nito lang ika-25 ng Nobyembre, ang SNMQC-Samahan ng Masaganang Quezon City sumulat kay Quezon City Mayor Joy Belmonte na natanggap ng kanyang opisina nitong Disyembre 14.

Nakapaloob sa kanilang sulat na nilagdaan ni Bryan Encarnacion ng Samahan Ng Masaganang Quezon City (SNMQC), humihingi sila ng tulong laban sa panggigipit umano sa kanila ng Lucent Gaming and Entertainment OPC.

Ayon pa sa sulat, noong sila ay nag-umpisa sa pamamalakad ng (STL-Lucent) noong Marso 18, taong ito ay binigyan sila ng maayos na kita. Binibigyan sila ng 20% sa kanilang kubransa, pagkalipas ng mga buwan ay unti-unti na nilang hindi ito ibinibigay.

Sinabi pa sa sulat ni Encarnacion, kalaunan ay ginawa na lamang itong 15% at ngayon ay naglagay na sila (Lucent) ng booth sa kanilang istasyon kung saan sila nangungubra at naging kakumpetensiya pa nila ito sa kanilang pangungubra. Anila, imbes na bigyan sila ng maayos na pagtrato ng Lucent ngayon ay pinahuhuli pa sila sa mga taga-CIDG.

“Noon dahil kailangan nila kami, tumulong kami sa kanila (Lucent) para sa maayos nilang kita, ngayon unti-unti na nila kaming inaalis sa pamamagitan ng pagpapahuli nila sa amin sa mga awtoridad at sinasabi pang kami ay mga ilegalista, wala silang mga konsensya,” himutok pa ng isa sa mga hinuli na tauhan ng Lucent.

Ayon naman sa source ng SAKSI NGAYON, pinapahuli ng Lucent ang dati nilang mga kubrador dahil unti-unti nila itong aalisin sa pamamagitan ng paglalagay ng booth kung saan doon na lamang magbabayad ang mga mananaya.

Naniniwala naman si Atty. Gonzales na hinuli ang apat niyang kliyente matapos nilang sumulat kay Mayor Joy Belmonte para baliktarin na nag-iilegal ang mga ito.

Isa sa mga hinuli ay naging emosyunal dahil kung kelan pa magpapasko na kailangan ng bawat pamilyang Pilipino na buo sila atsaka pa sila inaresto ng mga tauhan ng CIDG.

Hindi pa man nareresolba ang pagkakahuli sa apat na katao ay muli namang hinuli kagabi ng mga tauhan ng CIDG si Gino Densuray, 27-anyos, residente ng #64 Rosa St., Old Capitol, QC.

Kaugnay nito, ang Business Permits and Licensing Department ng Quezon City sa pamamagitan ni Atty. Leo Alberto Lazo ay nagpadala ng letter transmittal na may petsang Disyembre 18, 2023 kay Ma. Liza Africa, Head Management Information System Records and Archiving Division kalakip ng reklamo ng Samahan ng Masaganang QC (SNMQC) laban sa pamunuan ng Lucent Gaming and Entertainment OPC.

Dahil dito, inaasahan na nakarating at nabasa na ni Atty. Eufracio Fufugal, Jr, OIC-Department Manager, Branch Operations Sector, National Capital Region Department -PCSO ang reklamo ng SNMQC laban sa Lucent.

“Posibleng ayaw ng Lucent na malaman ng PCSO ang kanilang extra ops at baka gusto lamang nilang igiit na ang mga naarestong empleyado ay gustong umalis upang mag-operate sila ng kanilang sarili, upang makaabala mula sa maliwanag na hindi patas na mga gawi sa negosyo,” ayon pa sa source.

(Joel O. Amongo)

381

Related posts

Leave a Comment