HINDI tayo “racist” o nang-aalipusta ng ano mang lahi dahil naniniwala tayo na ano mang lahi ay nararapat bigyan ng kaparehong pagpapahalaga at respeto bilang tao.
Tingnan Natin: may mga kaugalian ang bawat lahi na maaaring katanggap-tanggap sa kanila, pero hindi sa iba.
Dito papasok ang konsiderasyon ng nararapat at hindi nararapat, partikular sa aksiyon at asal sa ibang bayan.
Marami sa ating mga Pinoy ang balahura sa pagmamaneho, simpleng batas trapiko ay nilalabag, walang pakialam sa kapwa sa lansangan.
Pero pagdating sa ibang bansa tulad ng Amerika, aba’y kaya naman palang sumunod sa mga patakaran ng pagmamaneho sa lansangan.
Sa “Middle East,” ang mga Pinoy ay ingat na ingat sa paglabag sa mga batas at patakaran ng mga bansang pinagtatrabahuhan o pinapasyalan. Kaya rin naman pala.
Tingnan Natin: sa Subic Bay Freeport naglipana ang mga Intsik sa kasalukuyan dahil sa pamamayagpag ng Online Gambling operations sa mga hotel at iba pang pasilidad.
Ang mga Intsik na ito, tila lahat, ay hindi marunong mag-Tagalog o mag-Ingles man lang.
Kung ang mga Pinoy ay nakakasunod sa mga patakaran at batas ng bansang pinagtatrabahuhan o pinapas¬yalan sa ibayong dagat, ang karamihan sa mga Intsik sa Online Gambling operations sa Subic ay walang pakialam.
Tingnan Natin: hindi natural na walang pakundangang mag-usap ng napakaingay sa ano mang lugar, mapasa-publiko o pribado, kasama na ang sa mga hotel, resto, coffee shop, grocery, mall at iba pa.
Ang masaklap, malimit, may padura-dura pa, kahit saan, sa gitna, gilid o kahit saan sa kumpulan.
Kung iyan man ang kanilang kaugalian, hindi natin pinang-hihimasukan, liban na lang kung dito ginagawa sa ating bayan.
Tayo ngang mga Pinoy sumusunod sa mga patakaran ng ating bansang pinupuntahan, dapat sila ring mga dayuhan sa ating bayan.
Kailangan siguro na bigyan ng kaukulang kaalaman o seminar sa dapat inaasal, ginagawa at hindi ginagawa sa Pilipinas bago umalis sa kani-kanilang bayan ang mga dayuhan.
Sana mabigyang pansin ang sitwasyong ito upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan na sa palagay natin ay pwede naman. Tingnan Natin. (Tingnan Natin / Vic V. Vizcocho, Jr.)
151