HINDI ID ANG GAMOT SA SAKIT

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MATIBAY at murang identification card?

‘Yan ang deskripsyon ng isinusulong ni Senador Bong Go na Senate Bill No. 2983 o Philippine Health Card Act of 2025, na layong mabigyan ng malinaw na identification ang bawat Pilipino.
Isa na namang dagdag na gastusin ng pamahalaan.

Simpleng paalala ito ng nangyari sa National ID na ginastusan ng gobyerno ngunit nilamon ng samu’t saring problema. Hanggang ngayon marami pang tanong sa National ID na ‘yan at gaano ito kaepektibo lalo na’t may ibang tanggapan ang naghahanap pa rin ng ibang ID maliban dito.

Nagtatanong ang mga netizen bakit kailangan ng physical card.

Teka, ayon sa nagpanukalang senador, maraming Pilipino ang hindi alam na miyembro na sila ng PhilHealth kaya mahalagang may malinaw na pagkakakilanlan upang hindi sila matakot magpagamot.

Ayun naman pala. Kung hindi batid ng ibang Pinoy na miyembro na sila ng health insurance ng bansa, eh ang dapat gawing malinaw ay ang malawakang kampanya at impormasyon para maintindihan nila ang estado tungkol sa benepisyong pangkalusugan.

Malaki ang gagastusin ng gobyerno sa card na ito sakaling pumasa at maging sakop ng National Health Insurance Program (NHIP).

Teka, hindi naman daw requirement ang ID para makakuha ng serbisyo ng PhilHealth.

Kung ganun, ano ang silbi nitong panukala? Kapag nagpaospital ay kailangan lang pumunta ng PHIC counter. Ibibigay lang pangalan ng pasyente na beberipikahin online.

Ganun lang kasimple. Sa datos ng PhilHealth sa unang parte ng 2024, may kabuuang 91.79 milyon ang benepisyaryo.

Ayan, magkano ang ilalaan ng gobyerno sa bawat ID?

Tama ang senador sa kanyang panawagan sa PhilHealth na lalong paigtingin ang kanilang information dissemination upang mas maraming mga Pilipino ang makaalam na miyembro sila at kung ano ang iba’t ibang benepisyo nila. Pero hindi na kailangan ang katibayan ng pagiging miyembro na maipakikita sa ospital.

Sa ilalim ng Universal Health Care Act, lahat ng mga Pilipino ay miyembro ng PhilHealth.

Malaking tulong daw kung may pinanghahawakan ang mga Pilipino na pagkakakilanlan na sila ay miyembro ng PhilHealth, gamit ang luma o bagong disenyo na pwede itong maging digital ID, physical ID mula sa PhilHealth o integrated na sa umiiral na national ID.

Ang malinaw rito ay dagdag gastos ito sa gobyerno. Saan huhugutin o ibabawas? Sa pondo ng DOH? Aba, lalong maghihingalo n’yan ang DOH.

Dapat ang gawing malinaw: mabilis, maayos at dagdag na benepisyo sa pangkalusugan. Hindi ID ang gamot sa sakit.

61

Related posts

Leave a Comment