Romuwaldas: Hari ng sindikato sa Kamara

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

SUPPOSEDLY, ang inaakala natin, itong House of Representatives (na tinatawag ding Representa-Thieves) ay Bahay ng ating mga Kinatawan.

Pero parang totoo, na imbes na kinatawan, ito raw ay Kuta ng mga Kawatan — noon naman, ito ay totoong Tahanan ng mga Kumakatawan sa aspirasyon at adhikang maglingkod sa Sambayanan.

Sa panahon ni Speaker Martin Romualdez, ngayon lamang nangyayari na todo ang pagtuligsa sa Kapulungan na ito sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Unti-unti na itong nabubunyag na isa pala itong gang, isang mafia, isang sindikato!

Hinala lamang ba ito, hindi po, sapagkat nailalantad ng mga pangyayari, ng mga dokumentong katotohanan, at salamat at ito ay lumalabas na sa tulong ng ilang makabayang kongresista — na iilan na lamang yata — at ng matatapang na bloggers/vloggers, whistleblowers, mga taong nasa loob ng Kamara, ng Malakanyang, at mismong taumbayan na nakararanas ng lupit, ng bagsik ng sindikatong ito ng tinataguriang Tambaloslos o halimaw ng alamat-bayan na nagliligaw, nagmamalupit at nagsasamantala sa taumbayan.

Maganda sana ang pag-asam ng taumbayan na magiging maayos ang takbo ng pamahalaan ni Presidente Bongbong Marcos Jr. (PBBM) o ni Junior Marcos, kasi nga, pinsang-buo niya — si Martin ang kanyang katuwang.

Pero hindi, imbes na katuwang, isang tusong matsing sa batok ni Junior si Martin na ang palayaw ay Romuwaldas, pagkutya sa kanyang apelyidong Romualdez.

Dahil kay Romuwaldas, nasa Supreme Court ang petisyong bawiin o ipawalang bisa ang 2025 national budget, kasi nabuo ito, napirmahan ni PBBM sa kabila na ito ay maraming blanks at unprogrammed appropriation na daan-daang bilyong pisong ikinalat sa mga proyekto ng mga kongresista na kakampi lamang ni Martin.

Sa unang hearing sa SC, nakita na may anomalya nga ang paglipat ng kung ilang bilyong piso mula sa PhilHealth sa udyok ni Finance Sec. Ralph Recto na pininsala pa ng pag-zero sa budget ng ahensiya gawa ni Martin na pinayagan nina nina Sen. Grace Poe at Senate Prez Chiz Escudero.

Matagal nang bawal, ayon sa Korte Suprema, unconstitutional ang pork barrel ng mga mambabatas, pero matalinong matsing si Romuwaldas, inimbento ang maraming klaseng ayuda tulad ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP), Aid for Individual in Crisis Situation (AICS), Tulog Pangkabuhayan sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), dagdag pa ang mga ayuda sa mga maysakit, at iba pa.

Okay ang ayuda sa mga emergency at mga biktima ng kalamidad, at iba pang gawa ng kalikasan, pero ang mga ayudang AKAP at katulad nito, pinondohan ito ng daan-daang bilyong pisong mula sa tax ng taumbayan, na malinaw na nagamit sa vote-buying, at iba pang panghikayat sa mga botante upang tanawing utang na loob sa mga kamay na nagbigay na naipagkakamaling pera mula sa kanilang bulsa at sariling yaman.

Isa itong maliwanag na pandarambong, kaya kahit lantaran ang pagtawag kay Martin na siya ay Tambaloslos, siya ay si Romuwaldas, ni isang piyok na pagtanggi, wala tayong naririnig na pagtutol.

Mandin ay niyayakap pa niya nang husto ito, tulad ng kumalat na video na namigay raw si Martin at si natalong kandidatong Sam Verzosa, sa isang araw lamang, ng kalahating bilyong piso, pera ni Juan dela Cruz ang ipinamigay nila sa taga-Maynila.

Sa Cavite, one billion pesos daw ang ipinamigay ni Martin bilang tulong sa mga mangingisda at mahihirap na pininsala ng oil spill noon sa Bataan na pumerwisyo sa Cavite, na tinanggap ng noon ay Cavite Gov. JonVic Remulla, at sa maraming okasyon, sa kainitan ng kampanyahan nitong midterm elections, sa Cavite uli, sa maraming probinsiya, bilyones ang ipinamigay.

Biro — na ewan kung totoo — ay sinabi noon sa isang video ng ngayon ay Interior Sec. Jonvic, na siya ay wala pang natatanggap na “ayuda” na pansarili mula kay Martin.

Walang resibo, certification lamang, ang kailangan na pirmado ni Romuwaldas ang kailangan, na ibigay sa Commission on Audit (COA) para patunayang naipamigay nga ang huling sentimo ng daan-daang bilyong piso sa tao, hindi sa sariling bulsa o ng mga tao ni Romuwaldas.

Ganyan kalupit ang pinsan ni PBBM na siya ay walang magawa kungdi ang tumunganga, pagkat wala sa kanyang poder ang House at ito ay hiwalay na sangay ng tatlong bahagi ng gobyerno natin.

Nakita natin sa video at sa mga news, ilang ulit na kinausap ni Martin ang matataas na opisyal ng militar at pulisya at nangako ng ayuda, ng dagdag alawans at nakita na dinalaw niya ang mga kampo militar, parang commander-in-chief, sumaludo at pinasaludo ang mga high ranking police and army generals at senior, junior officers.

Feeling presidente at ito naman ay naipakikita niya na iyon nga ang nais niya — umakto, at maging presidente, sa paraang Cha-Cha, o kung pwede ay Kudeta?

Nakita natin ito nang pulitikahin ang Konstitusyon at ilunsad ang nabigong People’s Initiative (PI) para baguhin ang batas at gawing parliamento at iluklok ang sarili niya bilang Prime Minister — na nabigo.

Naisip niya, maging vice president, kaya kailangang sibakin si VP Inday Sara, kaya kahit padaskol, minadali ang ikaapat na version ng impeachment complaint na ipinadala sa Senado, ilang linggo at umpisa ng midterm elections nitong Mayo 12, na ano ang naging resulta?

Ay, isa lamang, sina Erwin Tulfo at Lito Lapid lamang ang nanalo sa Alyansang ginastusan ng kung ilang bilyong piso ng pera ng taumbayan na kapwa ikinampanya nina PBBM at Martin, pero nahulog sa inodoro at marami sa nagwagi ay sa kampo ni Inday Sara at independiyente.

Sina Camille Villar, Imee Marcos, Pia Cayetano ay unang kumalas sa Alyansa na kung ‘di ay baka nakasama sa masaker ng kampo ng oposisyon kay Romualdez at sa Pangulo.

Magso-SONA na naman, at hanggang ngayon, hinahanap pa kung saang bulsa ng katropa ni Romualdez nai-shoot ang mahigit na P500 billion na ipinagmalaki ni PBBM na ginastos daw (?) sa mahigit na 500 flood control projects.

Lumulutang na ang totoo na pulitika nga ang impeachment kay VP Sara sa pagbubulgar ni Navotas City Rep. Toby Tiangco, Alyansa campaign manager, kasi kagagawan ito ni Martin.

Marami sa mga kongresistang pumirma ay “natakot” na hindi mabibigyan ng badyet at mga benepisyo kung kokontra kay Speaker.

‘Yung mga pumirma ay hindi nakatanggap ng ipinangakong milyones pesos na pangkampanya, kasi nakita na hindi nagpupursigeng ipanalo ang Alyansa, at ang nakasisindak pa, nang mabisto ang early voting ng mga sundalo, pulis at iba pang taong gobyerno, ang mga ibinoto ay mga kalaban ng Alyansa!

Yes, tama, hindi sakop ng utos na courtesy resignation ni Marcos Junior ang pinsang si Martin, pero ang wish ng marami, sana, kung totoong mahal niya, ‘wag na ang bayan, sana man lamang ay nagpakita siya ng pagmamahal kay PBBM at kahit ‘di kailangan, nagpakitang tao nang kusang pagbibitiw.

Ito ay upang suportahan — hindi sa salita lamang — kundi sa gawa, ang pagnanais ng Pangulo na ayusin at gawing epektibo ang serbisyo ng gobyerno sa taumbayan.

Dahil hindi ito ginawa ni Martin, malinaw na hindi siya kakampi ni Marcos Jr., at sarili lamang niya (Martin) ang pinahahalagahan niya kaya mapanlibak ang tawag sa kanya na Martin Looter King (sorry po, US folk hero at black people crusader, Martin Luther King).

Sa halip na si PBBM ang hikayating mag-resign, panahon na marahil na isigaw ng bayan:

Resign, Speaker Martin; Tama Na, Sobra Ka Na, Romuwaldas!

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

75

Related posts

Leave a Comment